Dahil baligtad ang proseso sa pagnamnam nito, mabubuo lamang ang nilalaman ng librong hawak mo paghantong sa kahuli-hulihang pahina. Bago mo ibato sa galit o isiksik sa pagitan ng mga binubukbok na klasiko, depende sa trip mo, malamang mapakamot ka dahil parang paglilista ito sa tubig. May mangilan-ilang detalyeng titingkad. May hihiklat na parang pisi ng sarangola sa ere. Huhulagpos at aalagwa hanggang maging tuldok ang parisukat, maging nagpupuyos na ulap na siya namang magugupo sa bughaw at nakakasilaw na kalangitan. Puwede rin namang tignan ito bilang isang walang kasing barubal na pagsasalsal.
Isang Kahang Winston (Kab. 1)
Ipinaskil sa Uncategorized na may mga marka may-akda, winston noong Hulyo 21, 2008 ni imoquibilanPipilitin kong tuparin ang pangarap para sa kin ng aking may-akda o MA na tumigil na rin sa paninigarilyo. Lagi niya akong pinariringgan. Kesyo kung nakayanan daw niya, kakayanin ko rin. At wala raw akong karapatang tumanggi. Kung hindi ako nabuo sa pag-iisip niya, wala kang babasahin.
Minsan gusto ko na siyang barahin – “Paano ba naman, wala kang kajamming dyan. Ako binigyan mo na nga ako ng bisyo, ginawa mo pang may-kaya ang tauhang ako. Binigyan mo pa ako ng mga barkada. Buti na lang, etong si Howard, ginawa mong tirador ng yosi. Nakakabawas kahit paano. Pero, itinakda mong chain smoker ako sa kuwento kaya out of character kung ikatutuwa kong nasimplehan na naman ako ni Howard ng ilang stick. Minsan makakatikim sa ‘kin yan free loader na ‘yan. Makakahithit siya ng sinunog na tuyong siling labuyo.“
Alam kong laging nakabantay si MA sa lahat ng sasabihin ko. Kahit yong mga iniisip ko pa lang sabihin, alam na niya. At lahat ng puwede mong mabasa dito, nangyayari lang dahil may pahintulot niya.
Ako naman itong gago na nag-iilusyon pang makakatakas ako. Na kailangang ko lang damihan ang sasabihin, mawawaglit na ako kay MA. Umaasa akong tatamarin siyang basahin muli ang mundong ginagalawan ko kapag tinambakan ko ng ilang talata.
Pero paano nga ba ako magsisimula. Kanina naisip ni MA ang kuwento ko. Pagkatapos ko raw makipagsuntukan sa kalye dahil napagkadiskitahan sina Dino at Henry ng mga tambay, matapos kaming umuwing mas nanginginig sa galit kaysa nananakit ang mga katawan sa bugbog, matapos kong magluto ng instant mami noodle soup, inamo ko raw sila. Pinangakuan ko silang gagawa ako ng paraan para makaganti.
Di ko alam kung kailan naisip ni MA ang ideya habang natutulog ako o kani-kanina lang. Basta pagkagising ko kanina, wala na yong dalawang kumag. As usual, nangapa ako ng yosi pero wala akong makita. Parang sinusutsutan ako ng ashtray na nag-uumapaw sa upos ng yosi. Parang nanunukso yong mga dulo ng filter. Parang nagiging mapupulang mga labi. Hawak ko na ang lighter sa kanang kamay nang makita ko nga ang pera. Wala akong alaala na ako ang nagpatong ng malulutong na tig-sisingkuwenta. At ano pa nga ba ang gagawin ng isang tauhang gutom na gutom na at may hawak na pera? E di magyosi muna (kung wala, gaya ng nangyari sa akin, e di bumili) bago kumain.
Masaya na sana ako nang maglalakad na ako sa kanto nang balandrahan ng isang ligaw ng kuwento ni MA ang dinaraanan ko. At sa halip na Winston ang pangalan ko naging Ule. Bantot ‘no?
Aspalto
Humagalpak ng tawa si Mel at Randy sa pagkakabulagta ni Ule sa aspalto. Sa simula, napasipa lang ang aso ni Ka Erning. Napapiyok ang ilang tuta. May isang umungol pero nagpatuloy lang sa pagdede.
Sumenyas si Noli sa tatlo na huwag mag-ingay. Inabot niya ang kamay ni Ule habang tahimik na tumatayo. Nakapako ang tingin niya sa asong kapapanganak pa lang. Patuloy ang impit na hagikgikan.
Nang makatayo, nagpagpag ng kamay si Ule bago hawiin ang buhok na bumelo sa mukha. Naramdaman niya ang pawis na di niya mapigilang umagos sa pisngi.
“Una na kayo,” bulong ni Ule kahit di niya na kailangan. Nauna nang sumuray papuntang kanto ang mga kaibigan niya.
Hahakbang na siya paalis nang masipatan niya ang bente pesos na nakarolyo pa rin sa may buntot ng isa pang tuta. Malayo-layo na ang mga kaibigan niya nang maingat siyang dumukwang para abutin ang pera. Bigla na lang siyang sininok. Naramdaman niyang sumipa na ang beer-gin nang pinigilan niyang dumighay. Napadalawang isip kung didiretso pa siya sa tindahan para sundan ang barkada.
Dahan-dahan pa ring tumayo si Ule pagkaabot sa pera. Pumiyok muli ang tuta pero nakailang hakbang na siya. Napayuko si Ule nang sumindi ang ilaw sa loob ng bahay nina Ka Erning. Binilisan niya ang lakad at hindi na napansing sumabit sa tsinelas niya ang kadena ng aso. Ilang kalansing muna sa aspalto bago nabanat ang kadena saka kumaladkad sa takip ng lata ng biskwit na ginawang plato ng aso. Lumipad ang plato at bumatingaw sa ilang pagtalbog-talbog.
Nagkakahol ang aso. Kumaripas ng habol. May nagmadaling magbukas ng bintana. Nagtatakbo si Ule at nadapa muli eksakto sa hangganan ng ihahaba ng kadena.
Narinig pa niya ang sigaw ni Ka Erning sa kabila ng kahulan. Inatake siya ng sinok. Sinubukan niyang huwag indahin. Patango-tango siya kasabay ng pagbukas ng kamay para masigurong hawak pa nga niya ang nararamdaman niyang bente pesos na nakarolyo sa loob ng kamao.
Hindi na naabutan ni Ule ang mga kaibigan pagdating niya sa kanto. Sarado na rin rin kasi ang tindahan ni Ester Pipi.
***
Bilang isang masunuring tauhan sa kuwento, ginampanan ko nang walang pag-iimbot ang papel ni Ule. May magagawa ba ako? Pero sa atin-atin lang. Lapit ka. Ibubulong ko sa ‘yo para di marinig ni MA. Sumasakay lang ako. Tulad mo. Sumasakay sa kuwentong ito.
(Itutuloy)
Gusto niyang pirapirasuhin ang mga salitang kumawala sa bibig niya, punit-punitin hanggang sa wala nang pagkakaiba ang bawat letra at maging singpino ng alikabok.
Ipinaskil sa Uncategorized noong Hulyo 17, 2008 ni imoquibilanNag-uwi kagabi ng dalawang dakot ng hibla ng papel si Ate. Iniisip ko pa lang, nakikiliti na ako sa pasalubong niya. Inilahad niya sa akin kung paano niya naipon ang mga ito. Kailangan lang daw ng lumang diyaryo kahit na libro. Masinsin ko raw punitin ang papel at gupit-gupitin ang malapilikmatang hibla. Dagdag pa niya, ito ang pinakamaselang bahagi dahil konting lalim lang ng paghinga, konting rubdob ng kaba, aalpas ang mga ito.
Laking gulat ko lang nang isaboy ang sandakot na hibla sa iniinom kong kape. Nabahing tuloy ako. Hindi niya rin naman kasalanan kasi brownout. Malay ba niyang may laman ang tasa ko. Inipon niya kasi yon dahil gusto niya ang pakiramdam ng paghalukay sa tasang puno ng hibla. Lalo pang pinaigting ang pagnanasa niyang ito dahil nga brownout. Hindi na kailangan pang pumikit para umigting ang pagpulupot ng mga hibla sa daliring pangkakanaw.
Napaisip lang ako nang maalala kong ang una niyang sinabi pagkabalandra sa pinto. “Ang sarap humigop ng ginataan,” magiliw niyang bati.
“Ubos na ang labahita. Mineryenda ko na kanina,” sagot ko habang hirap na inaaninag ang hugis ni Ateng palaki nang palaki.
“Di bale. Meron pang bilo-bilo,” pahabol niya saka magilas na umupo sa tabi ko na parang walang pag-aalinlangan sa kadiliman.
Nang humigit kalahating oras na akong nagbababahing, kinabahan na ako. Gusto kong umiyak pero mahirap. At kanina pa rin ako lumuluha. Sa bawat pagbahing, napapapikit ako. Kumakaskas ang mga talukap ko at naging sensitibo ako sa pagbabago, kahit nang konti, ng mga antas ng liwanag/dilim dahil sa pagpikit at pagdilat.
“Ipagkakanaw na lang kita ng panibago,” paumanhin ni Ate. “Kapag nagkakuryente.”
Sa puntong ito, nagsimula siyang magsalita na parang binabasa ang lahat ng salitang naaaninagan sa madamot na liwanag mula sa labas. Hindi ko na aambisyunin pang ulitin ang mga sinabi niya. Magiging mitsa na naman ng pag-aaway namin. Sa kalaunan, naaninagan kong tumatango-tango siya na parang may nakapaloob na musika o ritmo ang mga binibigkas. Sa isang maling pagyuko, nasilip kong hindi gumagalaw ang bibig niya kahit na patuloy ang pagsasalita.
Nagkatinginan kami. Alam kong natigilan rin siya. At tumigil din, sa wakas. Pero patuloy ang pagsasalita, umalingawngaw sa tenga ko. Batid ko na ang binabalak niya pero babalik ako sa kutob kong alam kong alam na niya. Gusto niyang pirapirasuhin ang mga salitang kumawala sa bibig niya, punit-punitin hanggang sa wala nang pagkakaiba ang bawat letra at maging singpino ng alikabok.
Bigyan ng Daan
Ipinaskil sa Uncategorized na may mga marka Ang Pangalan ng mga Ulap, Kindergarten noong Hulyo 9, 2008 ni imoquibilan(Excerpt mula sa Ang Pangalan ng mga Ulap)
Masaya ako tuwing darating ang pasukan. Magmula noong mag-Kinder ako, hindi na ako mapakali tuwing sasapit ang Hunyo. Sa akin, ang pagpasok sa eskuwela ay isang paraan ng pagiging malaya. Paghahanda sa pagharap sa mundo nang mag-isa.
Tuwing Hunyo, pupunta kami sa National Bookstore. Makikipagsiksikan kaming mamili ng mga notebook na may iba’t ibang retrato ng artista ang pabalat, lapis na Mongol no. 2, isang set ng Crayola, art paper, ruler, plastic na pambalot. Hahagilapin namin ang mga textbook na matagal nang hindi nililimbag pero pilit pa ring pinapagamit sa amin. Natural, paso na rin ang mga nakasulat dito.
Hindi na bale kung hindi ako ibili ng pencil case na may drowing ni Voltes V o Mekanda Robot o ng kung sinumang sikat na cartoon character. Di bale na rin kahit walang lunch box na laging paksa ng pagyayabangan ng mga kakalase ko. Hindi rin naman ako pinababaunan ng kanin at ulam ni Nanay. Kahit na sandwich. Suwerte ko na lang kung hindi ko nakain ang nakahandang almusal dahil tinanghali ako ng gising. Antimano, ipababaon sa akin ang pandesal na may palamang keso na nakabalot pa sa celophane ng yelo.
Naalala ko ang unang araw ng pasukan sa Kinder. Excited na excited ako. Nang ihatid na ako ni Nanay sa classroom, nawaglit sa isip kong mag-isa na ako. Nakita ko yong mga classmate ko. Parang lahat sa kanila, gusto kong kausapin. May mangilan-ngilan naman na sa sandaling iwan ng nanay nila sa loob ng classroom, papalahaw na ng iyak. Naiistorbo tuloy si Teacher Mila. Nakakainis kasi akala mo, baby pa. Yong isa kasama pa ang tatay at nanay. Ako nga walang tatay e. Ang arte arte arte arte.
Matagal bago nasanay si Darwin. Pinaka-iyakin siya sa lahat. Mabuti na lang, puro lalaki kami sa klase, kundi nakakahiya. (Puro lalaki lang kapag mga klase sa umaga. Sa hapon, meron nang mga babae.)
Nilapitan ko si Darwin nang mag-recess. Tinanong ko kung bakit siya iyakin. Hindi niya ako sinagot. Sa halip, humagulgol muli. Mula noon, naging matalik ko siyang kaibigan. Best friend ko siya. Tawag niya sa ‘kin boy friend. Kasi friend niya daw ako na boy. Kahit bata pa lang ako, alam kong parang hindi tama ‘yon. Pero ayoko na siyang umiyak kaya pinabayaan ko na lang.
Isang araw, tungkol sa mga hugis ang leksyon namin. Nakipagtalo ako kay Teacher Mila. Itinuturo niya sa amin na ang tatsulok ay may tatlong sulok, kaya ganoon ang pangalan. Nang tinanong ni Teacher Mila si Darwin, umiyak muli siya.
Tumayo ako para lapitan si Darwin. Sinagot ko ang tanong kay Darwin kung ilan ang gilid ng isang parisukat. Pinagalitan ako ni Teacher Mila. Adelentado daw ako’t walang modo.
Minsan, pumasok si Darwin na nakabalot ng panyo ang mga kamay. Akala ko naglalaro lang siya. Tinanong ko siya, at dahil medyo matagal-tagal na kami sa eskwelahan, humikbi na lang siya. Yong pala, masakit ang mga kamay niya. Hindi niya maigalaw. Tinanong ko siya kung puwedeng alisin ang panyo. Napabatok ako sa sariling noo ipakita niyang dalawang kamay nga niya ang nakabalot. Kakalasin ko na ang pagkakabuhol ng panyo nang dumating si Teacher Mila. Pinagalitan na naman ako. Yumuko na lang ako habang naririning kong humahampas ang ruler sa desk ni Darwin.
Sabi ni Teacher Mila, kung gusto ko raw makatulong kay Darwin, ako na lang daw ang magsulat ng leksyon sa notebook niya. Siyempre, gusto ko siyang tulungan. Gusto ko ring malaman kung anong nangyari sa kamay niya. Pinandilatan lang ako ni Teacher Mila. Para hindi na lumaki pa ang gulo, ginawa ko na lang ang hinihingi sa akin.
Narinig ko minsan, sabi ni Teacher Mila, may ecsema daw si Darwin. Ang dinig ko, eksena. Hindi ko pa alam kung ano ang kahulugan ng dalawang salita. Basta parang parehong masaya. Parang pagkaing itinitinda sa may gate kasama ang nilupak, mangga, singkamas, siniguelas, bagoong, santol. Naglaway ako sa kaisipang ‘yon.
Nang hindi na nakatingin si Teacher Mila, dahan-dahan kong kinalas ang panyo sa kamay ni Darwin. Nagnanaknak na ang pangungulubot ng mga daliri niya. Tumakas ang pinakamabahong sugat na naamoy ko. Kaya ko pa sanang tagalan ang sangsang nang mapansin kong dalawa na lang ang daliri ni Darwin sa kanang kamay. Tatlo’t kalahati sa kaliwa. Umiyak muli siya habang sinasaid ko ang sikmura sa pagsuka.
Nang malapit na ang graduation namin, pinapasok kami ni Teacher Mila na naka-costume. Kailangan daw naming pumasok na nakabihis kung ano ang gusto naming maging paglaki namin. Si Mervin pumasok suot ang helmet ng tatay niyang bumbero. Si Joel naman, nagsukbit lang ng stetoscope, doctor na. Matagal nang hindi pumapasok si Darwin noon. Nawala raw ang mga magulang nila sa bundok. Natakot ako. Akala ko kinuha ng mga maligno.
Napuyat kami ni Nanay sa kaiisip kung ano ang costume ko sa araw na ‘yon. Tinanong ko siya kung ano ba ang uniform ng tatay ko. Kung meron siya. Sinampal niya ako nang tanungin ko siya kung ano ba ang suot ng isang palikero. Hindi ko alam kung bakit niya ako sinampal. Sabi ko sa kanya, e yon ang sabi ng kapitbahay namin, na palikero daw ang tatay ko. Sa kabilang pisngi naman humampas ang palad niya.
Namumula na ang mga pisngi, lumalalim na ang gabi at wala pa rin akong costume. Naisip ko si Darwin. At ang mga magulang niya. Siguro boy scout at girl scout ang mga magulang niya. Kaso lang, hindi na sila boy at girl. Hindi na sila mga bata. Habang iniisip ang mga bagay na ito, nasumpungan ko ang gusto kong maging paglaki ko. Naalala ko ang isang buwan ng pagsusulat sa notebook ni Darwin. Naisip ko, para kay Darwin, gusto kong maging manunulat. Masayang-masayang ako sa natuklasan ko. May ilang oras pa ako para pag-isipan kung ano naman ang costume ko. Ano nga ba ang sinusuot ng isang manunulat?
Colorum
Ipinaskil sa Uncategorized na may mga marka jeepney, jose rizal, kwento, maria clara, philippine literature noong Hunyo 30, 2008 ni imoquibilanHindi napansin ni JR na nahulog si Cara sa jeep. Gusto niyang panindigan ang nabitawan niyang salita dati tungkol sa di paglingon sa pinanggalingan o yong tungkol sa masahol pa sa malansang isda. Hindi rin nakatulong na masama ang stiff neck niya ngayon. Wala rin siyang malay na nahulog na si Cara dahil mas matagal pang nakatingin si JR kay MC Lara sa tabi niya kaysa sa kalye.
“Ang lakas naman kasi ng pag-awit mo,” sisi ni JR kay MC Lara.
Kapapanalo lang ni MC Lara sa amateur contest. Panglimang second runner-up na niya sa iba’t ibang piyesta ngayon tag-araw.
“Ganoon?! Wala man lang, ‘Ang ganda talaga ng boses mo’ o ‘Lalong nahuhulog ang puso ko sa ‘yo kapag bumibirit ka’ o kahit man lang ‘Paano ba naman ako di maglalaway sa mga labi mo, ang tamis-tamis ng boses mo – parang hinog na hinog na tubo,’” tampo ni MC Lara.
Hindi nakasagot agad si JR. Natuwa siya sa kaisipang, naunahan lang siya ni MC Lara sa sasabihin. Ang totoo, kinilabutan din siya. Verbatim na sinabi ni MC Lara ang dapat niyang sasabihin (yong ‘paano ba naman ako di…’) kung di lang nahulog si Cara. Dahil isang matipunong lalaki si JR, pabulong niyang sasabihin ito kaysa pa-sing-song.
Nang hindi pa rin kumikibo si JR, humirit si MC Lara. “Pasensya ka na JR. Nakagawian ko na’ng kumanta kapag natatakot. Sabi ko naman sa ‘yo ingatan mo ang pagmamaneho.”
Nagsalita na rin si JR nang mauwi sa usapin ng pagmamaneho niya.
“Bigla kasing sumulpot si Bu. Baka pumara. Alam kong hindi mo siya gustong isakay. Kapag sumakay na yan, di lang bababa lahat ng ibang pasahero. Matatakot pang sumakay ang iba,” sagot ni JR. “Teka, nasaan na ba si Tara?”
“Sino na namang…” sabat ni MC Lara, namumula sa selos.
“Tsk, tsk. Pati ba naman unggoy, pinagseselosan mo?” sabi ni JR.
“Yon bang nakasabit sa windshield kanina? Akala ko, stuff toy e. Hindi ko na lang pinansin nang gumalaw. Baka makaabala pa sa pagmamaneho mo.”
Humuni si JR para tawagin si Tara pero hindi ito nagpakita. Nalungkot siya nang maalala niya kung paano ihinabilin ng nanay ni JR si Tara.
“Ingatan mo si Tara. Maliit lang naman siya. Hindi sagabal sa pagmamaneho. Pero pag kumalat na meron kang alagang maliit na unggoy, siguradong dudumugin ka ng pasahero. Alam mo namang hindi lang pagbiyahe ang dahilan ng pagsakay ng mga tao sa jeep. Status symbol yan. National identity, ika nga,” hikbi ng nanay ni JR.
“Mapapalo na naman ako ni nanay pag-uwi ko,” sabi ni JR kay MC Lara.
“Huwag ka nang mag-alala. Nariyan lang si Tara. Baka natakot lang kay Cara, yong mas malaking problema natin ngayon,” sagot ni MC Lara habang hinihimas ang bigote ni JR.
Tumango si JR. Hindi niya na narinig ang sinabi ni MC Lara. Nasilip niya sa rearview mirror na malapit na si Bu.
Mas may katuturan lang sana ang pangamba ni JR kung mayroon silang pasahero ngayong mabubugaw sa pagsakay ni Bu. Sa laki ni Cara, siya lang ang nagkasya sa jeep. Sinadya rin niyang iharang ang malapad niyang puwet para wala nang ibang makasakay.
“At labag sa batas na hindi magsakay,” dagdag pa ni MC Lara.
“Higit sa lahat, mahihirapan akong tanggihan si Bu. Pag nagsimula nang lumuha ‘yan, bagsak na ang Bataan,” sabi ni JR habang hinahagod ng braso ang pawis sa noo.
Sa tagal ng usapan ng dalawa, naabutan na sila ni Cara na kahit nasa loob ng costume, damang-dama ni JR ang pagmamaktol.
“Sori ha,” sabi agad ni JR. Gusto niya sanang sabihing ‘Si MC Lara kasi,’ pero pinigilan niya ang sarili. Baka hindi na naman siya pansinin ni MC Lara pag umakyat ng ligaw sa Brgy. Asotea.
Itinago ng dalawa ang pagtawa nang sumakay si Cara kanina. Akala nga nila, dalawang tao ang nasa loob ng costume. Nang umupo ito sa kaliwa, katulad ng mga tao at nagsalita para ipakisuyo ang pamasahe niya, nalaman nina JR at MC Lara na si Cara Baustista pala ang nasa loob ng tamaraw. Hindi nila inakalang lalaki nang ganoon si Cara matapos magbuntis at manganak.
Nang humagod sa paa ang tingin ni JR sa rearview mirror, nagtatawa siya. Kung bakit ba hindi pa nagkasya sa pagsuot ng costume ng tamaraw, nagkabit pa ng gulong sa mga paa si Cara.
Tumatango-tango si MC Lara nang pumreno sa estribo si Cara. Nagkatinginan sina JR at MC Lara nang mapansin ang paboreal na nakaangkas sa likod ni Cara. Napipi sila sa pagkamangha sa kulay. Mauubusan sila ng pangalan para sa kulay ng mga balahibo.
Pinagpatuloy nina JR ang pag-isip ng palusot kung bakit hindi puwedeng pasakayin si Bu. Na kesyo malansa si Bu o kakila-kilabot ang magaspang na balat nito. Kapag ngumiti sa ‘yo si Bu, pag ipinakita na ang matatalim na pangil, magtatakbo ka na. Ikukuwento pa sana ni MC Lara kung paano nilulunod muna ni Bu ang hapunan niya bago ngasabin, nang pumreno muli si JR.
Nakakapit na nang mahigpit si Cara ngayon at di na nahulog.
“Narinig mo?” tanong ni JR.
Tumanga lang sa kanya si MC Lara.
“Yong parang sumisingaw?”
Kinabahan si MC Lara. Naparami kasi ang kain niya kanina ng kamote. Baka narinig ni JR ang pagsimple niya.
“Ssssss”
Nagkatitigan muli ang dalawa.
“Oo nga,” sabi ni MC Lara, natuwa na hindi siya ang narinig kanina ni JR.
“Ako yon,” sabi ni Cara. “Sinusutsutan ko kayo para manahimik. Ayaw ng paboreal ang maingay. Nakakahiya naman. Sa pinanggalingan niya, mag-ingay ka lang, demanda na ang abot mo.”
“Saan ba galing ang ibon mo?” tanong ni JR.
“Si Taft?” tanong-sagot ni Cara.
“Lampas na tayo ng Taft, Cara.Vito Cruz na tayo,” sagot ni JR.
“Alam ko. Ang sabi ko, Taft ang pangalan ng kaibigan nito,” sabi ni Cara sabay nguso sa paboreal. “Ba’t hindi ka maging masinop ng Pilipino at pagsilbihan ang bisita natin.”
“Saan nga siya galing?” tanong naman ni MC Lara.
Hindi na nakasagot si Cara. Biglang may lumundag sa bubong ng jeep. Sa sobrang lakas, tumalbog ang chassis ng jeep. Lumipad pataas kasama ng paboreal na nabulabog. Sumunod si Cara. Nagkandarapa sa paghabol kay Taft. Hindi na nakapagsalita sina JR at MC Lara nang matukoy na si USA lang pala ang lumundag. Sa sobrang daming beses na nakikialam ni USA sa biyahe ni JR, natural na sa kanya ang mga ganitong pagkakataon. Kung sabagay, si USA naman ang may pakana ng mga bagong pa-uso. Unang-una na rito ang pagsasalita sa Ingles. Siya rin ang nagpa-uso ng mga paputok tuwing magkakaroon ng di pagkaka-unawaan ng mga tao.
Nanghina si JR sa kaisipang mahihirapan siyang ayusin ang jeep. Naniniwala siyang hindi siya matutulungan ni MC Lara dahil babae ito. Ang totoo, hindi niya alam. Hindi pa sumagi sa isip niyang magtanong.
Ano’t ano pa man, napabuntong-hininga si JR. Dahil sa nangyari, nakita muli ni JR si Tara na nakayakap sa nagpapalo-sebo sa estribo. Malayo na rin sila kay Bu. Matagal-tagal bago sila maabutan. Makakaisip pa siya ng maraming palusot si JR kung bakit nila ipinagpalit si Bu kina Cara at Taft.
(copyright 2008 Zosimo Quibilan, Jr.)
Bagyo, Bagwis
Ipinaskil sa Uncategorized na may mga marka burador, flash fiction noong Hunyo 20, 2008 ni imoquibilanLumipad ang mga dahon na parang mga kulisap na may epilepsy.
Yumuko ang mga sanga; nagpagalingan sa pagmuwestra.
Natuyo ang dagta sa lupa na parang isang patak ng rugby na tumulo mula sa cellophane.
Putol na ang tsinelas ni Aldo sa ikalabintatlo at kahulihulihang pagkakataon.
Sinubukan niyang magsalita pero parang nakadikit ang ngalangala kaya unti-unti na lang niyang pinataas-baba ang mga brasong inaabot ang Timog at Hilaga habang nakayukong pinapanood ang sariling anino na parang sinasaulo ang lambing ng bawat pagaspas.
Panganay
Ipinaskil sa Uncategorized na may mga marka new media, panitikan noong Hunyo 20, 2008 ni imoquibilanSa takbo ng komunikasyon, sa bawat segundong nagbabago ang paraan ng pakikitapagtalastasan, unti-unting humihiyaw ang pangangailangang baguhin ang pagtingin sa mismong kalikasan ng kuwento. Kung hindi mo kayang sumabay, siguradong maiiwan ka. May nakapagsabing, sumakay ka na lang. Ang payo ko, alamin mo muna kung saan mo gustong makarating.