Colorum

Hindi napansin ni JR na nahulog si Cara sa jeep. Gusto niyang panindigan ang nabitawan niyang salita dati tungkol sa di paglingon sa pinanggalingan o yong tungkol sa masahol pa sa malansang isda. Hindi rin nakatulong na masama ang stiff neck niya ngayon. Wala rin siyang malay na nahulog na si Cara dahil mas matagal pang nakatingin si JR kay MC Lara sa tabi niya kaysa sa kalye.

“Ang lakas naman kasi ng pag-awit mo,” sisi ni JR kay MC Lara.

Kapapanalo lang ni MC Lara sa amateur contest. Panglimang second runner-up na niya sa iba’t ibang piyesta ngayon tag-araw.

“Ganoon?! Wala man lang, ‘Ang ganda talaga ng boses mo’ o ‘Lalong nahuhulog ang puso ko sa ‘yo kapag bumibirit ka’ o kahit man lang ‘Paano ba naman ako di maglalaway sa mga labi mo, ang tamis-tamis ng boses mo – parang hinog na hinog na tubo,’” tampo ni MC Lara.

Hindi nakasagot agad si JR. Natuwa siya sa kaisipang, naunahan lang siya ni MC Lara sa sasabihin. Ang totoo, kinilabutan din siya. Verbatim na sinabi ni MC Lara ang dapat niyang sasabihin (yong ‘paano ba naman ako di…’) kung di lang nahulog si Cara. Dahil isang matipunong lalaki si JR, pabulong niyang sasabihin ito kaysa pa-sing-song.

Nang hindi pa rin kumikibo si JR, humirit si MC Lara. “Pasensya ka na JR. Nakagawian ko na’ng kumanta kapag natatakot. Sabi ko naman sa ‘yo ingatan mo ang pagmamaneho.”

Nagsalita na rin si JR nang mauwi sa usapin ng pagmamaneho niya.

“Bigla kasing sumulpot si Bu. Baka pumara. Alam kong hindi mo siya gustong isakay. Kapag sumakay na yan, di lang bababa lahat ng ibang pasahero. Matatakot pang sumakay ang iba,” sagot ni JR. “Teka, nasaan na ba si Tara?”

“Sino na namang…” sabat ni MC Lara, namumula sa selos.

“Tsk, tsk. Pati ba naman unggoy, pinagseselosan mo?” sabi ni JR.

“Yon bang nakasabit sa windshield kanina? Akala ko, stuff toy e. Hindi ko na lang pinansin nang gumalaw. Baka makaabala pa sa pagmamaneho mo.”

Humuni si JR para tawagin si Tara pero hindi ito nagpakita. Nalungkot siya nang maalala niya kung paano ihinabilin ng nanay ni JR si Tara.

“Ingatan mo si Tara. Maliit lang naman siya. Hindi sagabal sa pagmamaneho. Pero pag kumalat na meron kang alagang maliit na unggoy, siguradong dudumugin ka ng pasahero. Alam mo namang hindi lang pagbiyahe ang dahilan ng pagsakay ng mga tao sa jeep. Status symbol yan. National identity, ika nga,” hikbi ng nanay ni JR.

“Mapapalo na naman ako ni nanay pag-uwi ko,” sabi ni JR kay MC Lara.

“Huwag ka nang mag-alala. Nariyan lang si Tara. Baka natakot lang kay Cara, yong mas malaking problema natin ngayon,” sagot ni MC Lara habang hinihimas ang bigote ni JR.

Tumango si JR. Hindi niya na narinig ang sinabi ni MC Lara. Nasilip niya sa rearview mirror na malapit na si Bu.

Mas may katuturan lang sana ang pangamba ni JR kung mayroon silang pasahero ngayong mabubugaw sa pagsakay ni Bu. Sa laki ni Cara, siya lang ang nagkasya sa jeep. Sinadya rin niyang iharang ang malapad niyang puwet para wala nang ibang makasakay.

“At labag sa batas na hindi magsakay,” dagdag pa ni MC Lara.

“Higit sa lahat, mahihirapan akong tanggihan si Bu. Pag nagsimula nang lumuha ‘yan, bagsak na ang Bataan,” sabi ni JR habang hinahagod ng braso ang pawis sa noo.

Sa tagal ng usapan ng dalawa, naabutan na sila ni Cara na kahit nasa loob ng costume, damang-dama ni JR ang pagmamaktol.

“Sori ha,” sabi agad ni JR. Gusto niya sanang sabihing ‘Si MC Lara kasi,’ pero pinigilan niya ang sarili. Baka hindi na naman siya pansinin ni MC Lara pag umakyat ng ligaw sa Brgy. Asotea.

Itinago ng dalawa ang pagtawa nang sumakay si Cara kanina. Akala nga nila, dalawang tao ang nasa loob ng costume. Nang umupo ito sa kaliwa, katulad ng mga tao at nagsalita para ipakisuyo ang pamasahe niya,  nalaman nina JR at MC Lara na si Cara Baustista pala ang nasa loob ng tamaraw. Hindi nila inakalang lalaki nang ganoon si Cara matapos magbuntis at manganak.

Nang humagod sa paa ang tingin ni JR sa rearview mirror, nagtatawa siya. Kung bakit ba hindi pa nagkasya sa pagsuot ng costume ng tamaraw, nagkabit pa ng gulong sa mga paa si Cara.

Tumatango-tango si MC Lara nang pumreno sa estribo si Cara. Nagkatinginan sina JR at MC Lara nang mapansin ang paboreal na nakaangkas sa likod ni Cara. Napipi sila sa pagkamangha sa kulay. Mauubusan sila ng pangalan para sa kulay ng mga balahibo.

Pinagpatuloy nina JR ang pag-isip ng palusot kung bakit hindi puwedeng pasakayin si Bu. Na kesyo malansa si Bu o kakila-kilabot ang magaspang na balat nito. Kapag ngumiti sa ‘yo si Bu, pag ipinakita na ang matatalim na pangil, magtatakbo ka na. Ikukuwento pa sana ni MC Lara kung paano nilulunod muna ni Bu ang hapunan niya bago ngasabin, nang pumreno muli si JR.

Nakakapit na nang mahigpit si Cara ngayon at di na nahulog.

“Narinig mo?” tanong ni JR.

Tumanga lang sa kanya si MC Lara.

“Yong parang sumisingaw?”

Kinabahan si MC Lara. Naparami kasi ang kain niya kanina ng kamote. Baka narinig ni JR ang pagsimple niya.

“Ssssss”

Nagkatitigan muli ang dalawa.

“Oo nga,” sabi ni MC Lara, natuwa na hindi siya ang narinig kanina ni JR.

“Ako yon,” sabi ni Cara. “Sinusutsutan ko kayo para manahimik. Ayaw ng paboreal ang maingay. Nakakahiya naman. Sa pinanggalingan niya, mag-ingay ka lang, demanda na ang abot mo.”

“Saan ba galing ang ibon mo?” tanong ni JR.

“Si Taft?” tanong-sagot ni Cara.

“Lampas na tayo ng Taft, Cara.Vito Cruz na tayo,” sagot ni JR.

“Alam ko. Ang sabi ko, Taft ang pangalan ng kaibigan nito,” sabi ni Cara sabay nguso sa paboreal. “Ba’t hindi ka maging masinop ng Pilipino at pagsilbihan ang bisita natin.”

“Saan nga siya galing?” tanong naman ni MC Lara.

Hindi na nakasagot si Cara. Biglang may lumundag sa bubong ng jeep. Sa sobrang lakas, tumalbog ang chassis ng jeep. Lumipad pataas kasama ng paboreal na nabulabog. Sumunod si Cara. Nagkandarapa sa paghabol kay Taft. Hindi na nakapagsalita sina JR at MC Lara nang matukoy na si USA lang pala ang lumundag.  Sa sobrang daming beses na nakikialam ni USA sa biyahe ni JR, natural na sa kanya ang mga ganitong pagkakataon. Kung sabagay, si USA naman ang may pakana ng mga bagong pa-uso. Unang-una na rito ang pagsasalita sa Ingles. Siya rin ang nagpa-uso ng mga paputok tuwing magkakaroon ng di pagkaka-unawaan ng mga tao.

Nanghina si JR sa kaisipang mahihirapan siyang ayusin ang jeep. Naniniwala siyang hindi siya matutulungan ni MC Lara dahil babae ito. Ang totoo, hindi niya alam. Hindi pa sumagi sa isip niyang magtanong.

Ano’t ano pa man, napabuntong-hininga si JR. Dahil sa nangyari, nakita muli ni JR si Tara na nakayakap sa nagpapalo-sebo sa estribo. Malayo na rin sila kay Bu. Matagal-tagal bago sila maabutan. Makakaisip pa siya ng maraming palusot si JR kung bakit nila ipinagpalit si Bu kina Cara at Taft.

(copyright 2008 Zosimo Quibilan, Jr.)

Leave a Reply