Bigyan ng Daan

(Excerpt mula sa Ang Pangalan ng mga Ulap)

Masaya ako tuwing darating ang pasukan. Magmula noong mag-Kinder ako, hindi na ako mapakali tuwing sasapit ang Hunyo. Sa akin, ang pagpasok sa eskuwela ay isang paraan ng pagiging malaya. Paghahanda sa pagharap sa mundo nang mag-isa.

Tuwing Hunyo, pupunta kami sa National Bookstore. Makikipagsiksikan kaming mamili ng mga notebook na may iba’t ibang retrato ng artista ang pabalat, lapis na Mongol no. 2, isang set ng Crayola, art paper, ruler, plastic na pambalot. Hahagilapin namin ang mga textbook na matagal nang hindi nililimbag pero pilit pa ring pinapagamit sa amin. Natural, paso na rin ang mga nakasulat dito.

Hindi na bale kung hindi ako ibili ng pencil case na may drowing ni Voltes V o Mekanda Robot o ng kung sinumang sikat na cartoon character. Di bale na rin kahit walang lunch box na laging paksa ng pagyayabangan ng mga kakalase ko. Hindi rin naman ako pinababaunan ng kanin at ulam ni Nanay. Kahit na sandwich. Suwerte ko na lang kung hindi ko nakain ang nakahandang almusal dahil tinanghali ako ng gising. Antimano, ipababaon sa akin ang pandesal na may palamang keso na nakabalot pa sa celophane ng yelo.

Naalala ko ang unang araw ng pasukan sa Kinder. Excited na excited ako. Nang ihatid na ako ni Nanay sa classroom, nawaglit sa isip kong mag-isa na ako. Nakita ko yong mga classmate ko. Parang lahat sa kanila, gusto kong kausapin. May mangilan-ngilan naman na sa sandaling iwan ng nanay nila sa loob ng classroom, papalahaw na ng iyak. Naiistorbo tuloy si Teacher Mila. Nakakainis kasi akala mo, baby pa. Yong isa kasama pa ang tatay at nanay. Ako nga walang tatay e. Ang arte arte arte arte.

Matagal bago nasanay si Darwin. Pinaka-iyakin siya sa lahat. Mabuti na lang, puro lalaki kami sa klase, kundi nakakahiya. (Puro lalaki lang kapag mga klase sa umaga. Sa hapon, meron nang mga babae.)

Nilapitan ko si Darwin nang mag-recess. Tinanong ko kung bakit siya iyakin. Hindi niya ako sinagot. Sa halip, humagulgol muli. Mula noon, naging matalik ko siyang kaibigan. Best friend ko siya. Tawag niya sa ‘kin boy friend. Kasi friend niya daw ako na boy. Kahit bata pa lang ako, alam kong parang hindi tama ‘yon. Pero ayoko na siyang umiyak kaya pinabayaan ko na lang.

Isang araw, tungkol sa mga hugis ang leksyon namin. Nakipagtalo ako kay Teacher Mila. Itinuturo niya sa amin na ang tatsulok ay may tatlong sulok, kaya ganoon ang pangalan. Nang tinanong ni Teacher Mila si Darwin, umiyak muli siya.

Tumayo ako para lapitan si Darwin. Sinagot ko ang tanong kay Darwin kung ilan ang gilid ng isang parisukat. Pinagalitan ako ni Teacher Mila. Adelentado daw ako’t walang modo.

Minsan, pumasok si Darwin na nakabalot ng panyo ang mga kamay. Akala ko naglalaro lang siya. Tinanong ko siya, at dahil medyo matagal-tagal na kami sa eskwelahan, humikbi na lang siya. Yong pala, masakit ang mga kamay niya. Hindi niya maigalaw. Tinanong ko siya kung puwedeng alisin ang panyo. Napabatok ako sa sariling noo ipakita niyang dalawang kamay nga niya ang nakabalot. Kakalasin ko na ang pagkakabuhol ng panyo nang dumating si Teacher Mila. Pinagalitan na naman ako. Yumuko na lang ako habang naririning kong humahampas ang ruler sa desk ni Darwin.

Sabi ni Teacher Mila, kung gusto ko raw makatulong kay Darwin, ako na lang daw ang magsulat ng leksyon sa notebook niya. Siyempre, gusto ko siyang tulungan. Gusto ko ring malaman kung anong nangyari sa kamay niya. Pinandilatan lang ako ni Teacher Mila. Para hindi na lumaki pa ang gulo, ginawa ko na lang ang hinihingi sa akin.

Narinig ko minsan, sabi ni Teacher Mila, may ecsema daw si Darwin. Ang dinig ko, eksena. Hindi ko pa alam kung ano ang kahulugan ng dalawang salita. Basta parang parehong masaya. Parang pagkaing itinitinda sa may gate kasama ang nilupak, mangga, singkamas, siniguelas, bagoong, santol. Naglaway ako sa kaisipang ‘yon.

Nang hindi na nakatingin si Teacher Mila, dahan-dahan kong kinalas ang panyo sa kamay ni Darwin. Nagnanaknak na ang pangungulubot ng mga daliri niya. Tumakas ang pinakamabahong sugat na naamoy ko. Kaya ko pa sanang tagalan ang sangsang nang mapansin kong dalawa na lang ang daliri ni Darwin sa kanang kamay. Tatlo’t kalahati sa kaliwa. Umiyak muli siya habang sinasaid ko ang sikmura sa pagsuka.

Nang malapit na ang graduation namin, pinapasok kami ni Teacher Mila na naka-costume. Kailangan daw naming pumasok na nakabihis kung ano ang gusto naming maging paglaki namin. Si Mervin pumasok suot ang helmet ng tatay niyang bumbero. Si Joel naman, nagsukbit lang ng stetoscope, doctor na. Matagal nang hindi pumapasok si Darwin noon. Nawala raw ang mga magulang nila sa bundok. Natakot ako. Akala ko kinuha ng mga maligno.

Napuyat kami ni Nanay sa kaiisip kung ano ang costume ko sa araw na ‘yon. Tinanong ko siya kung ano ba ang uniform ng tatay ko. Kung meron siya. Sinampal niya ako nang tanungin ko siya kung ano ba ang suot ng isang palikero. Hindi ko alam kung bakit niya ako sinampal. Sabi ko sa kanya, e yon ang sabi ng kapitbahay namin, na palikero daw ang tatay ko. Sa kabilang pisngi naman humampas ang palad niya.

Namumula na ang mga pisngi, lumalalim na ang gabi at wala pa rin akong costume. Naisip ko si Darwin. At ang mga magulang niya. Siguro boy scout at girl scout ang mga magulang niya. Kaso lang, hindi na sila boy at girl. Hindi na sila mga bata. Habang iniisip ang mga bagay na ito, nasumpungan ko ang gusto kong maging paglaki ko. Naalala ko ang isang buwan ng pagsusulat sa notebook ni Darwin. Naisip ko, para kay Darwin, gusto kong maging manunulat. Masayang-masayang ako sa natuklasan ko. May ilang oras pa ako para pag-isipan kung ano naman ang costume ko. Ano nga ba ang sinusuot ng isang manunulat?

Mag-iwan ng Tugon