Gusto niyang pirapirasuhin ang mga salitang kumawala sa bibig niya, punit-punitin hanggang sa wala nang pagkakaiba ang bawat letra at maging singpino ng alikabok.

Nag-uwi kagabi ng dalawang dakot ng hibla ng papel si Ate. Iniisip ko pa lang, nakikiliti na ako sa pasalubong niya. Inilahad niya sa akin kung paano niya naipon ang mga ito. Kailangan lang daw ng lumang diyaryo kahit na libro. Masinsin ko raw punitin ang papel at gupit-gupitin ang malapilikmatang hibla. Dagdag pa niya, ito ang pinakamaselang bahagi dahil konting lalim lang ng paghinga, konting rubdob ng kaba, aalpas ang mga ito.

Laking gulat ko lang nang isaboy ang sandakot na hibla sa iniinom kong kape. Nabahing tuloy ako. Hindi niya rin naman kasalanan kasi brownout. Malay ba niyang may laman ang tasa ko. Inipon niya kasi yon dahil gusto niya ang pakiramdam ng paghalukay sa tasang puno ng hibla. Lalo pang pinaigting ang pagnanasa niyang ito dahil nga brownout. Hindi na kailangan pang pumikit para umigting ang pagpulupot ng mga hibla sa daliring pangkakanaw.

Napaisip lang ako nang maalala kong ang una niyang sinabi pagkabalandra sa pinto. “Ang sarap humigop ng ginataan,” magiliw niyang bati.

“Ubos na ang labahita. Mineryenda ko na kanina,” sagot ko habang hirap na inaaninag ang hugis ni Ateng palaki nang palaki.

“Di bale. Meron pang bilo-bilo,” pahabol niya saka magilas na umupo sa tabi ko na parang walang pag-aalinlangan sa kadiliman.

Nang humigit kalahating oras na akong nagbababahing, kinabahan na ako. Gusto kong umiyak pero mahirap. At kanina pa rin ako lumuluha. Sa bawat pagbahing, napapapikit ako. Kumakaskas ang mga talukap ko at naging sensitibo ako sa pagbabago, kahit nang konti, ng mga antas ng liwanag/dilim dahil sa pagpikit at pagdilat.

“Ipagkakanaw na lang kita ng panibago,” paumanhin ni Ate. “Kapag nagkakuryente.”

Sa puntong ito, nagsimula siyang magsalita na parang binabasa ang lahat ng salitang naaaninagan sa madamot na liwanag mula sa labas. Hindi ko na aambisyunin pang ulitin ang mga sinabi niya. Magiging mitsa na naman ng pag-aaway namin. Sa kalaunan, naaninagan kong tumatango-tango siya na parang may nakapaloob na musika o ritmo ang mga binibigkas. Sa isang maling pagyuko, nasilip kong hindi gumagalaw ang bibigĀ  niya kahit na patuloy ang pagsasalita.

Nagkatinginan kami. Alam kong natigilan rin siya. At tumigil din, sa wakas. Pero patuloy ang pagsasalita, umalingawngaw sa tenga ko. Batid ko na ang binabalak niya pero babalik ako sa kutob kong alam kong alam na niya. Gusto niyang pirapirasuhin ang mga salitang kumawala sa bibig niya, punit-punitin hanggang sa wala nang pagkakaiba ang bawat letra at maging singpino ng alikabok.

3 Tugon to “Gusto niyang pirapirasuhin ang mga salitang kumawala sa bibig niya, punit-punitin hanggang sa wala nang pagkakaiba ang bawat letra at maging singpino ng alikabok.”

  1. ang galing.. isa ka sa magigin dahilan ko para magpatuloy pa ako lalo sa pagsusulat..

    link na rin kita sa wp ko..

    salamat..

  2. imoquibilan Sabi ni:

    Salamat. Nakakataba naman ng puso. Sulat ka lang ng sulat para sa patuloy na pagpapapayaman ng panitikang Filipino. Check out my ‘other selves’ links. Baka magustuhan mo rin. Link din kita.

  3. sige, titingnan ko rin..

    salamat din pala sa pag-link..

    :D

Mag-iwan ng Tugon