Isang Kahang Winston (Kab. 1)

Hulyo 21st, 2008 § Mga Puna

Pipilitin kong tuparin ang pangarap para sa kin ng aking may-akda o MA na tumigil na rin sa paninigarilyo. Lagi niya akong pinariringgan. Kesyo kung nakayanan daw niya, kakayanin ko rin. At wala raw akong karapatang tumanggi. Kung hindi ako nabuo sa pag-iisip niya, wala kang babasahin.

Minsan gusto ko na siyang barahin – “Paano ba naman, wala kang kajamming dyan. Ako binigyan mo na nga ako ng bisyo, ginawa mo pang may-kaya ang tauhang ako. Binigyan mo pa ako ng mga barkada. Buti na lang, etong si Howard, ginawa mong tirador ng yosi. Nakakabawas kahit paano. Pero, itinakda mong chain smoker ako sa kuwento kaya out of character kung ikatutuwa kong nasimplehan na naman ako ni Howard ng ilang stick. Minsan makakatikim sa ‘kin yan free loader na ‘yan. Makakahithit siya ng sinunog na tuyong siling labuyo.

Alam kong laging nakabantay si MA sa lahat ng sasabihin ko. Kahit yong mga iniisip ko pa lang sabihin, alam na niya. At lahat ng puwede mong mabasa dito, nangyayari lang dahil may pahintulot niya.

Ako naman itong gago na nag-iilusyon pang makakatakas ako. Na kailangang ko lang damihan ang sasabihin, mawawaglit na ako kay MA. Umaasa akong tatamarin siyang basahin muli ang mundong ginagalawan ko kapag tinambakan ko ng ilang talata.

Pero paano nga ba ako magsisimula. Kanina naisip ni MA ang kuwento ko. Pagkatapos ko raw makipagsuntukan sa kalye dahil napagkadiskitahan sina Dino at Henry ng mga tambay, matapos kaming umuwing mas nanginginig sa galit kaysa nananakit ang mga katawan sa bugbog, matapos kong magluto ng instant mami noodle soup, inamo ko raw sila. Pinangakuan ko silang gagawa ako ng paraan para makaganti.

Di ko alam kung kailan naisip ni MA ang ideya habang natutulog ako o kani-kanina lang. Basta pagkagising ko kanina, wala na yong dalawang kumag. As usual, nangapa ako ng yosi pero wala akong makita. Parang sinusutsutan ako ng ashtray na nag-uumapaw sa upos ng yosi. Parang nanunukso yong mga dulo ng filter. Parang nagiging mapupulang mga labi. Hawak ko na ang lighter sa kanang kamay nang makita ko nga ang pera. Wala akong alaala na ako ang nagpatong ng malulutong na tig-sisingkuwenta. At ano pa nga ba ang gagawin ng isang tauhang gutom na gutom na at may hawak na pera? E di magyosi muna (kung wala, gaya ng nangyari sa akin, e di bumili) bago kumain.

Masaya na sana ako nang maglalakad na ako sa kanto nang balandrahan ng isang ligaw ng kuwento ni MA ang dinaraanan ko. At sa halip na Winston ang pangalan ko naging Ule. Bantot ‘no?

Aspalto

Humagalpak ng tawa si Mel at Randy sa pagkakabulagta ni Ule sa aspalto. Sa simula, napasipa lang ang aso ni Ka Erning. Napapiyok ang ilang tuta. May isang umungol pero nagpatuloy lang sa pagdede.

Sumenyas si Noli sa tatlo na huwag mag-ingay. Inabot niya ang kamay ni Ule habang tahimik na tumatayo. Nakapako ang tingin niya sa asong kapapanganak pa lang. Patuloy ang impit na hagikgikan.

Nang makatayo, nagpagpag ng kamay si Ule bago hawiin ang buhok na bumelo sa mukha. Naramdaman niya ang pawis na di niya mapigilang umagos sa pisngi.

“Una na kayo,” bulong ni Ule kahit di niya na kailangan. Nauna nang sumuray papuntang kanto ang mga kaibigan niya.

Hahakbang na siya paalis nang masipatan niya ang bente pesos na nakarolyo pa rin sa may buntot ng isa pang tuta. Malayo-layo na ang mga kaibigan niya nang maingat siyang dumukwang para abutin ang pera. Bigla na lang siyang sininok. Naramdaman niyang sumipa na ang beer-gin nang pinigilan niyang dumighay. Napadalawang isip kung didiretso pa siya sa tindahan para sundan ang barkada.

Dahan-dahan pa ring tumayo si Ule pagkaabot sa pera. Pumiyok muli ang tuta pero nakailang hakbang na siya. Napayuko si Ule nang sumindi ang ilaw sa loob ng bahay nina Ka Erning. Binilisan niya ang lakad at hindi na napansing sumabit sa tsinelas niya ang kadena ng aso. Ilang kalansing muna sa aspalto bago nabanat ang kadena saka kumaladkad sa takip ng lata ng biskwit na ginawang plato ng aso. Lumipad ang plato at bumatingaw sa ilang pagtalbog-talbog.

Nagkakahol ang aso. Kumaripas ng habol. May nagmadaling magbukas ng bintana. Nagtatakbo si Ule at nadapa muli eksakto sa hangganan ng ihahaba ng kadena.

Narinig pa niya ang sigaw ni Ka Erning sa kabila ng kahulan. Inatake siya ng sinok. Sinubukan niyang huwag indahin. Patango-tango siya kasabay ng pagbukas ng kamay para masigurong hawak pa nga niya ang nararamdaman niyang bente pesos na nakarolyo sa loob ng kamao.

Hindi na naabutan ni Ule ang mga kaibigan pagdating niya sa kanto. Sarado na rin rin kasi ang tindahan ni Ester Pipi.

***

Bilang isang masunuring tauhan sa kuwento, ginampanan ko nang walang pag-iimbot ang papel ni Ule. May magagawa ba ako? Pero sa atin-atin lang. Lapit ka. Ibubulong ko sa ‘yo para di marinig ni MA. Sumasakay lang ako. Tulad mo. Sumasakay sa kuwentong ito.

( Kabanata 2, 3)

Tagged: ,

§ 5 Responses to Isang Kahang Winston (Kab. 1)

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

What’s this?

You are currently reading Isang Kahang Winston (Kab. 1) at Malilikot na Hugis.

meta

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.