Isang Kahang Winston, cont’d.

Enero 12th, 2010 § Mag-iwan ng Puna

(click ka rito para sa sinundang kabanata)

2

Ang tagal naman makahanap ng pansindi ‘tong si MA. Nagkapitikan na naman kasi ng lighter sa inuman kagabi. Paborito ko pa naman yong nabili ko sa kanto. Walang tatak. Orange. Pero may sticker ng babaeng bumubulaga ang malulusog na suso. Asian Beauty ang headline. Walang pangalan. Ba’t mo pa ba aalamin ang pangalan kung ganitong nakabuyangyang na ang kaluluwa sa ‘yo? Malamang nenok lang din ang picture kung saan website. Basta.

Heto yong lighter na footlong. Parang torch kasi puwede mong kontrolin ang buga ng apoy. Palagay ko nga, puwede talagang sulo kapag kinailangan na. Siguro iniisip mo, sinindihan namin ‘to nang tumipa na si Howard sa gitara. Ganoon kasi ang nakasanayan. Sayang namang yong fluid kung sisindihan namin ito parang sa isang walang kuwentang konsiyerto. Laos na yan. Taasan na lang ng cellphone. Ganoon din naman ang epekto.

Teka, nabanggit ko lang yong cellphone, kumikiriring na yong sa ‘kin. Teka lang ha.

Ayan, nasabon na naman ako ni MA. Stick to the story daw. Nilinaw ko ang sinabi niya minsan kasi mahirap kausapin ‘tong si MA. Nabubulol ang daloy ng pag-iisip.

“Stick bawat story, di ba?” binigkas ko nang walang bahid ng malisya.

“Marunong ka palang magpatawa.”

“Nagtaka ka pa. E ikaw ang nagturo sa ‘kin.” sagot ko.

“Sarcastic ako! Okey lang magpatawa kung nakakatawa.” Nabingi ako sa sigaw ni MA. Siyempre nasaktan ako kahit paano. Pero okey lang. Gayunpaman, para ipakita kong nainis ako sa kanya, tumalikod ako at naglakad nang pailing-iling.

E ano kayang kuwento ang gusto niya. Oo, wala akong karapatang umangal. At wala akong ibang magagawa kundi sumunod lang sa iniisip/inuutos niya. Pero alam naman niyang, matagal na akong walang kausap. Ngayon lang nang mabuo ako imahinasyon niya. Ewan ko ba. Kung talagang may-akda siya, bakit hindi niya alam na sa ganito mauuwi ang kuwentong ito. Hindi rin ba niya alam na, ayan, naubos na ulit ang yosi at magsisindi na naman ako ng panibago.

Ang hirap sa kanya, akala mo diyos. Wala namang binatbat.

3

Atin-atin lang ha. Ang totoo, di pa talaga naubos ang yosi. Pinatay ko lang kahit pa di pa ako nangangalahati.

Sshhh. Oo, huwag kang maingay. Baka magtampo si MA pag nalaman niyang alam mo rin.

Mabalik nga tayo.

Ayun, nagtutugtugan kami kagabi (mas nag-iinuman talaga), sinuyod ang 1001 songhits na dala ni Dino.  Inalam namin kung ano ang unang bibigay, yong mga boses naming umaatungal ba o yong mga kalawanging kuwerdas ng gitara ni Howard?

Patuloy lang sana ang ligaya nang dumalaw si Kapitan. Tulad nang nakasanayan na, kailangan naming tumigil sa kung anong ginagawa namin. Lumapit kami at ipinatong ang kanang kamay sa balikat niya. Pinigilan naming huminga kasi di lang minsan na may nasaktan sa paggawa nito. Bastos daw kasi pag hindi pumirme. At saka may matinding pagyugyog ang pagpatong ng mga kamay sa balikat. Di mo alam kung anong puwedeng mangyari. Kailangang kumapit nang mahigpit kay Kapitan.

Sa sandaling paghipong iyon, natalastas sa amin ang pakay niya.

“Di po siya nagagawi dito.” Unang nagsalita si Howard.

“Kanina, nakita ko si Julie, pero manika ang dala niya.” pahabol ni Dino.

“Santo Niño, ‘yon.” sabat naman ni Henry. “Biniro ko pa nga siya. Sabi ko, ingatan ang pagkarga sa ‘yo. Baka madurog ka.”

Pinandilatan ni Dino si Henry. Nakalakihan na naming tawaging Señor Sto. Niño si Dino. Kulot siya at punggok. Oo, nakalakihan namin, maliban si Dino na di na lumaki.

“O sige, na e di manika, kung manika.” sang-ayon ni Dino.

Teka, ha. Ibinulong sa ‘kin ni MA na alam naman talaga ni Dino. Nagsinungaling lang siya dahil ayaw niyang pagmulan na naman ng alaskahan. Bagay na kinainisan ko naman; yong pagbulong ni MA. Pero nagtimpi ako. Mahaba pa ang yosi ko kaysa filter.

“Bakit po ba ninyo hinahanap? Di naman po masama ang sapian ng santo di ba? E sa dinami-dami ng karamdaman ng mga taga-Buhangin, malaking pakinabang natin sa tulad ni Julie.” sabi ko para lumamig ang tensyon.

Para sumagot, nagtaas naman ng kamay si Kapitan. Di n’ya talaga kailangang magbukas ng bibig para magsalita.

Sang-ayon siya na malaking pakinabang nga si Julie. Ang totoo daw, hinahanap niya si Julie para magpagamot. Napapagod na raw siyang magmuwestra sa halip na magsalita. Na pabor sa ‘kin para siya na lang ang magsasalita at hindi yong idadaan pa sa ‘kin. Ako na nga ang nagsasalita para kay MA e, dadagdag pa si Kapitan.

Akala ko, may idadagdag si Henry nang lumapit kay Kapitan, yun pala aabutan niya ng yosi.

(Itutuloy)

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

What’s this?

You are currently reading Isang Kahang Winston, cont’d. at Malilikot na Hugis.

meta

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.