Bakasyon
Enero 15th, 2010 § 1 Puna
Matapang daw ang tandang na dala nina Lolo. Dumating sila kahapon ng madaling araw galing Catbalogan, kung saan man yon. Kahit hindi pa umaaraw, tumitilaok na ito. At ito na nga ang gumising sa ‘min kanina. Ayon pa sa konting naunawaan ko sa pag-uusap ng mga matatanda, kahit anong oras, tumitilaok ito. Di daw umuurong kahit saan isabong. Basta nakatayo ang pulang-pulang palong. Mapusyaw na pula tulad ng piniritong itlog. Parang banaag ng araw.
Patapos na ang hapon nang di sinasadyang mapatulog kami ni Lolo. Sumipol siya ng sipol niyang simpanatag ng huni ng ibon. Sa pagitan ng dalawang malaking ngipin iniihip ang hangin. Parang ngumingiti, kaya masaya kami. Parang kuneho, sabi ng kapatid ko. Parang mais na buhaghag, naisip ko. Biniro ko pa si Lolo na puwet ng kawali ang likod ng banjo na kinakalabit niya, kinikiliti.
Inawitan niya kami ng mga kantang di namin maintindihan ang mga salita. Kahit kahapon lang namin siya nakilala, nahimbing agad kami. Unang humilik si utol, kasisimula pa lang ng Usahay. Iniisip ko pa kung saan ko narinig ang Matud Nila nang tuluyan na akong makatulog.
Pero, di nagtagal naalimpungatan ako. Parang tumapon ang pasalubong nilang sukang paombong. Masangsang rin ang dala nilang lansa ng ilang araw ng paglalakbay sa dagat. Maalat ang hangin sa bahay. Maligalig rin dahil sa pagsasalitan ng sa pagtatalak ang tandang at ang mga pinsan at tito kong Waray.
Tuluyan na kaming nagising magkapatid sa palatak ng tilamsik ng mantika. Laganap na ang panunulasok ng kumukulong ng suka, toyo at bawang. Nakakabahing ang dahong laurel at butil-butil ng paminta. Magtatakipsilim na noon, naglilimlim na sa aratiles ang mga maya. Di kami natakot sa anino ng taong nagluluto sa kusina. Sa wakas at natahimik na rin ang bahay. Nag-inat kami at unti-unting kinilala muli ang kagana-ganang pagsipol ng anino ni Lolo.
maraming salamat po……….