Nang Makaiwas sa mga Tanong na Hindi Niya Masasagot, Part I
Marso 21st, 2010 § Mag-iwan ng Puna
Muntik nang tumumba ang gitara ni Rex nang ihatid sa kanila ang dalawang bote ng Pale Pilsen. Nakaharang sa daan ang paa ni Rex kaya natisod ang babaeng nag-abot. Nasalo naman agad ng babae ang mga bote. Natilamsikan nga lang ang cellphone ni Rex na kanina pa niya pinipindot-pindot para mabasa agad kung may text na galing kay Miko. Abala rin si Jonjon na kanina pa may dinudukot sa case ng bass guitar. Nagpaumanhin ang babae pero hindi siya pinansin ng dalawa.
Parang pangalawang bahay na ni Rex ang Balsa. Lahat puwede niyang gawin dito. Magdala ng gin bulag kapag nagtitipid (na madalas nangyayari). Minsan kahit mani nagbabaon siya. Wala ring hasel kahit na mag-ingay siya. Magpatugtog ng trip niyang sounds. Kahit nga mag-jutes, okay lang. Tutulungan pa silang magbalot ni Erwin, ang manager.
“Basta organic, magkakasundo tayo.” hirit ni Erwin.
Kakaibang mag-alaga ng costumer si Erwin. Lahat ng costumer sinisiguro niyang kausapin. Nang unang mapadpad si Rex dito, nagpamorningan sila ni Ewin. Magdamagang sumasalanta ang bagyo at bumaha sa Mabini at Del Pilar. Hindi na nagtapang-tapangan pa si Rex na ilusong ang oto niya. Walang ibang masilungang hindi basa kundi ang Balsa.
Nagkagaanan naman agad sila ng loob ni Erwin. Kahit paano, ganoon ang naramdaman ni Rex. Pinahiram pa siya ng payong ni Erwin pabalik sa oto. Hindi na naisoli ni Rex ang payong. Winasak ito ng nag-aamok na hangin nang bumaba si Rex papunta sa apartment niya. Mula noon, naging maingat si Rex na mapaalala ang payong. Hindi naman siya tinatanong ni Erwin. Diyahe nga lang pag naungkat pa.
Naalala ni Rex ang payong habang otomatikong ipinahid sa hita ng maong ang display ng cellphone. Ugali na niyang gawin ito pagkatapos idikit ang cellphone sa langising mukha pag may tumawag. Minsan lang niya gamit ang cellphone para tumawag. Libre lang kasi kapag ikaw ang tinawagan.
“Ba’t kasi di ka bumili ng handsfree? Dehin pa delikado pag nagmamaneho.” payo ni Jonjon noon.
Naunawaan naman si Rex ang pag-aalala ni Jonjon. Sino ba naman ang ayaw ng bluetooth. Kung meron lang siyang extrang breads.
“Kaso lang, kung ganyan ka na kalangis sa pisngi, ano pa kaya sa tenga?” dagdag ni Jonjon bago tumawa nang malakas.
“Ingat ka baka iyan na ang huling tawa mo.” pabirong banta ni Rex na nakaakmang apakan ang bass guitar ni Jonjon.
“Chief, wala namang bastusan ng syota.” hirit ni Jonjon na nagmadaling niyakap ang gitara niya.
Syota ang turing nila sa mga gitara nila. Lahat, may pangalan. Ang bass guitar ni Jonjon, si Hilda. Kasi daw parang malaking babae na mababa ang boses. Tori naman ang pekeng Strat ni Rex. Lagi niyang sinasabing dahil kay Tori Amos at hindi kay Tori Spelling mula sa kinaiinisan nilang TV series. Dahil laging pinagpipilitan ng mga kabanda niya, pinabayaan na lang niya. Tori Spelling na kung Tori Spelling. Minsan kailangan manahimik na lang. Mauungkat lang na torpe siya kaya wala pang totoong syota.
“Ano daw sabi ni Miko?” tanong ni Jonjon sabay inguso ang cellphone ni Rex.
“Wala pa e. Dalawang bar na nga lang ang battery ko.” sagot ni Rex.
“Ba’t di mo pa kasi tawagan?” tanong ulit ni Jonjon.
“Mas malakas kayang makaubos ng baterya yon? At saka paubos na rin load ko e.”
“E di bumili.” Namilosopo pa si Jonjon.
“Ikaw kaya ang bumili? Pagkatapos ikaw na rin magbayad ng beer. Kung alam ko lang na di na naman sisipot si Miko, di na sana ako bumili ng isang set ng string.” sigaw ni Rex na lalo pang namula.
Barya na lang ang natira sa allowance ni Rex matapos bumili ng kuwerdas kanina. Pinlano na niyang patagalin ang isang bote ng beer hanggang magsara si Erwin ngayong gabi. Hindi ubra sa tigdalawang bote ang pera niya. Wala rin naman siyang maaasahan kay Jonjon na umaasa lang din sa kanya. Konsolasyon lang niyang mataas pa sa kalahati ang karayom ng fuel gauge sa box-type Lancer. Makakailang pabalik-balik pa sila sa Marikina.
“Ahh. Okay lang naman ako. Alam mo bang ang sarap ng beer na ito. Gawa daw ito sa pinaka…” sabi ni Jonjon habang binabasa ang nakasulat sa likod ng bote para basahin, para ibahin ang usapan.
Ayaw na niyang painitin pa ang ulo ni Rex. Nakailang lamukos na sa mukha ito. Tama na ang pagkakapurnada ng gig nila dahil sa hindi pagsipot ni Miko.
“Binago na nila ang nakasulat d’yan. Sa kabila mo tignan. Ulol!” sabi ni Rex na nagbago na ang timpla. Pinipigilan naman ngayon ang sariling matawa.
“Rex? Rex? Ikaw ba ‘yan? Huhuhu.” pabirong sagot ni Jonjon. Nanibago sa biglaang paglamig ng ulo ni Rex. Naunawaan lang ni Jonjon nang makita ang tinatanaw ni Rex sa bar.
“Kilala mo ba ‘yong tumutulong kay Erwin?” tanong ni Rex.
“Ah…’Yon pala si Erwin.” Tumango-tango si Jonjon. Tama ang hula niya na si Erwin nga yong mukhang magbabalot na nagkamaling pumasok sa Balsa . “Ako pang tinanong mo. Minsan mo lang ako isama dito.” halong seryoso at pabirong tampo ni Jonjon.
“Ganoon? Napakilala na kita di b…”
Napakamot na lang at di na tinapos ni Rex ang sasabihin. Totoong di pa niya naisasama si Jonjon dito.
Kung kelan pa malayo ang babaeng nambasa sa kanila, saka lang nila napansin. Hindi siya kagandahan. Kapansin-pansin lang gawa ng suot nitong cheong-sam na napakakintab. Mahusay ang pagtatalaban ng pula at mas dominanteng itim ng seda sa morenang balat nito. Patuloy na napatanga si Rex sa kanya at di lang minsang nahuli ni Jonjon na sumusulyap-sulyap din ang babae sa kaibigan niya.
Mukhang susuwertehin ang kaibigan ko, naisip ni Jonjon nang lumagkit pa nang husto ang titigan nina Rex at ng babae. Nagdalawang-isip nga lang siya. Kwidaw si Jonjon sa mga ganitong lugar. Maraming naitatago sa mga lugar na sinadyang mapanglaw ang ilaw.
Dahil abala si Rex sa pagkilatis sa babae, hindi niya tuloy narinig ang pagbeep ng cellphone.
“Baka si Miko na ‘yan.” sabi ni Jonjon.
Tinabig pa niya ang braso ni Rex nang hindi siya pansinin ng kaibigan.
“Steady-lamig!” binara ni Rex si Jonjon.
Sinadyang bagalan ni Rex ang pagdampot ng cellphone sa mesa, ang pagpindot sa keypad. Dahil numero lang ang lumabas sa sender, alam na agad ni Rex na kay Miko galing ang message. Nanibago siyang all caps ang message.
CHIEF, SENSYA N. MAINIT S MLA.
UMAALAT HANGIN. HIRAP MGTAMBOL
KPG HNAHABOL. TEX-TEX.
Papalit-palit ng SIM card si Miko. Bahagi ito ng pag-iingat nila. Marami na kasi sa mga kasamahan nila sa bundok ang nabasyo dahil sa cellphone. Kailangang magpapalit-palit sila ng numero. Minsan nga, pati cellphone. Bumulaga ang iba’t ibang cellphone nang minsang matabig ang bag ni Miko sa rehearsal studio. Bagong modelo lahat. Para tuloy ahente ng cellphone si Miko. O cellphone snatcher matapos ang isang maghapon, minsang biro ni Rex.
Napailing si Rex dahil laging nagkukuwento si Miko kung gaano kahirap ang buhay nila sa bundok. Madalas kamote lang ang pagkain nila, kung may kakainin pa. Piyesta na pag may asin para may lasa kung anong dahon ang mailalaga nila. Ibang usapan pag cellphone. Nahiya tuloy maglabas ng cellphone si Rex. Hindi na nga colored ang screen, burado pa ang keypad ng sa kanya. Bago daw, sabi ni Jonjon dati. Bagong pangkaskas ng yelo para sa halo-halo.
Noon pa lang, naisip na ni Rex na magiging problema ang oras ni Miko para sa banda. Alam niyang kung magkagipitan, bundok ang pipiliin ni Miko. Hindi naman nilihim ni Miko nang mag-audition siya at tinanggap rin naman ni Rex. Paano ba naman, sa mahigit sampung nag-audition, si Miko malupit. Kung tutuusin, si Miko lang ang tambolistang nakita ni Rex nang personal na kayang paluan ang Moby Dick ng Led Zeppelin. Parang lumilipad ang mga kamay nito. Hindi halos tumatama sa tambol ang stick pero malutong na malutong ang dagundong at sitsit sa bawat paghataw. Sumasabit nga paminsan-minsan sina Rex dahil di nila maubos maisip kung paano nagagawa ni Miko na patunuging isang buong drum kit ang isang pasadyang tambol na gawa ng kaibigan nilang taga-Boracay. Iisipin mong mas marami pa sa dalawa ang kamay ni Miko na walang puwang magpalit-palit ng stick at brush at maso at kamao, yong totoo at yong simboliko.
Di maipaliwanag ni Rex kung bakit ba may simpatya siya sa ipinaglalaban ng mga nasa bundok. Minsan lang naman siyang nag-imersyon kasama ng mga magsasaka sa Gabaldon, Nueva Ecija bilang bahagi ng isang proyekto sa college. Ni hindi pa siya nabilad sa araw o naglublob sa putik para magtanim. May encounter kasi noong naroon sila. Putukan nga lang ang naranasan niya. At ang tanging karahasang nasaksihan niya, ginawa doon sa unggoy na nilaga at pinagsalusaluhan nila dahil natahimik na ang palayan mula sa putukan at dahil nga merong mga bisitang taga-Maynila. Anu’t ano pa man, kahit na anong maitutulong, basta kaya niya (basta hindi niya kailangang gumastos, umalis ng Maynila o malagay sa panganib), ibibigay niya. Ayos na ayos nga ngayong nasa banda na si Miko. Sino ba namang magsususpetsang miyembro siya ng kilusan? Sa haba ng buhok at sa dami ng tato sa patpating katawan, mas pagkakamalan siyang adik kaysa rebelde.
Itutuloy