Ang Kasukalan Nitong Mga Nakaraang Araw
Oktubre 21st, 2010 § Mag-iwan ng Puna
Biglang pumreno ang bus na sinasakyan ni Romy. Hindi man lang nagmenor ang drayber matapos rumagasa sa ga-batyang lubak sa EDSA. Nalubak din ang paglipad ng isip niya. Tumalbog siya sa pagkakaupo at napuruhan ang pigsang malapit nang mahinog sa likod ng kanang hita. Mahirap pero tiniis niya ang sakit. Baka may makapansin pa sa papilipit niyang pag-ayos sa pagkakaupo sa kahoy na upuan.
Natuklasan niya ang pigsa habang nagbubuhos ng inipong tubig sa banyo. Napapalahaw sa sakit nang mahagip ito ng batong panghilod. Siya namang pagkatok ng Tatay niya na matagal nang nagsususpetsa kung bakit ang tagal-tagal niya sa banyo. Mabuti na lang at nabitawan ni Romy ang panghilod. Dinahilan niyang bumagsak ito sa paa niya. Nang humupa na ang sakit, hinaplos niya ang ga-taghiyawat na pigsa. Namangha siya sa kaisipang ang ganito kaliit na bagay, kayang magpahirap sa buong katawan. Ilang sandali pa, dinampot na niya ang tabo at marahang sinabon-sabon ang pigsa tulad ng paghimas ng mga deboto sa mga kahoy na santo.
Panandaliang napawi ang sakit nang nagbanlaw na siya. Naalala rin ni Romy kung bakit ganoon na lang ang pagkatakot niya nang kumatok ang tatay niya. Magkatulad kasi ang dagundong sa pinto ng banyo at ang tunog ng paghampas sa ulo ng nanay niya sa dingding.
Mahimbing nang natutulog si Romy nang magkagulo na naman kagabi. Pinapanaginipan niya kung paano sisimplehan ng halik si Lina. Dalawang linggo na kasi siyang lumulutang sa alapaap nang maging magsyota na sila Lina. Langit talaga, naisip niya, kahit pa hanggang ngayon ni hindi pa rin siya nakakahalik.
Ilang araw na siyang tumatakas-takas patungo sa gabing iyon. Saulado niya ang mga detalye. Tumagos sa siwang ng mga dahon ng higanteng acacia ang liwanag ng buwan. Sabay ikinukubli at ipinapamalas ang mga mukha nila. Gabi na pero marami pa ring mga estudyanteng pagala-gala sa Quad. Kunwang nakatingin si Romy sa malayo. Ninanamnam nang husto ang pagkakataong maggagabi na at katabi pa rin niya si Lina. May pinagtalunan sila kani-kanina na nauwi sa munting tampuhan. Pabor naman ito kay Romy para makabuwelo siya sa sasabihin. Ang totoo, si Romy ang nagpasimuno ng “tampuhan.”
“Eh sa maganda ang laro namin kanina.” paliwanag ni Lina. “Hirap sa ‘yo di ko naman sadyang ma-late. Grabe ka kung magtampo.”
“Just goes to show…”
“Ikaw nga diyan, hindi ka man lang nanood. Ano ba naman ‘yong makilala mo ang teammates ko.”
“Dyahe, eh.”
Hindi marunong magbasketball si Romy. Wala siyang kahit anumang hilig sa mga laro. “It bores me,” minsan na niyang idinahilan kay Lina.
Matagal silang hindi nagkibuan. Kinakabahan na si Romy na baka mabulilyaso pa ang pagkakataong ito kaya binago niya ang takbo ng usapan.
“Matanong nga kita. Bakit ka ba sumasama sa akin?”
Napangiti si Romy sa tanong niyang ito dahil una, pinapalabas ng tanong niya na si Lina ang sumusunod-sunod sa kanya. Pangalawa, kailangan pa tuloy ipagtanggol ni Lina ang sarili sa kanya.
Nahulog si Lina sa patibong. “Kasi, hindi ka naghahabol. Kasi, nariyan ka palagi pag kailangan kita. Kasi nariyan ka. Ewan ko.”
“Tapos ka na?”
Hindi makasagot si Lina.
“Kaya gusto kitang kasama? Ikaw lang ang nakakasakay sa mga hirit ko. Ikaw lang ang natatawa sa akin. Masarap kang kasama, kung hindi mo alam.”
Huminga nang malalim si Romy at nagpatuloy. “At saka, mahal na kita.”
Hindi makapaniwala si Romy nang abutin ni Lina ang kamay niya. Natuwa sa sinabi niya at nagpasalamat dahil sa dilim ng buong paligid, hindi nakita ni Lina na nangingilid na ang luha sa mga mata niya. Kung wala lang si Lina nang sandaling yon, malamang humagulgol sa saya si Romy.
Hinatid niya si Lina sa abangan ng dyip nang gumabi na nang husto. Gusto niya sanang sabayan pauwi si Lina pero kakapusin siya sa pamasahe. Siguradong tatadtarin na naman siya ng mura. Sayang naman ang saya niya kung sisirain lang ng tatay niya. Paulit-ulit niyang binabalikan ang gabing ito. Malaking bagay habang pilit niyang kinakalimutang dumadalas ang pag-aaway ng mga magulang niya.
Binulyawan si Romy ng tatay niya paglabas ng banyo. Hindi naman siya makapalag. Mas malaki sa kanya ang tatay niya. Nanahimik na lang siya at baka lumala lang.
“Anong oras ka naman uuwi?” pahabol ng tatay niya. “Pareho na kayo ng nanay mo. Hoy, putang ama ka! Hindi boardinghouse ang bahay ko.”
Tiniis ni Romy. Hindi pa rin siya sumagot. Umalis siyang parang walang narinig at nasalubong ang nanay niya sa may bintana. Nakatingin sa malayo an nanay niya at halos magdoble ang mukha sa pamamaga. Napansin niyang hindi maikala ng kadiliman ang kalat-kalat na tagpi ng kulay ube sa mukha nito. Nagkaharap sila pero hindi nagkita.
Matagal na ring walang pakialam si Romy sa dalawa. Engineer sa Department of Public Works ang tatay niya at madalas madestino sa probinsya. Lumaki tuloy siyang halos walang ama. Pagod na siyang ipagtanggol ang nanay niya. Kinukutya siya palaging mama’s boy. Hindi niya matukoy kung kailan nagsimula ito at kung ano nga ba ang nauna: Ang paglalagi ng nanay niya sa mga kaibigan o ang pambababae ng tatay niya? Paikot-ikot na lang palagi ang pagtatalo ng mga magulang niya.
“Yong anak mo, walang na namang hapunan.”
“Anong pambibili ko ng pagkain, pagkatapos mong ubusin diyan sa babae mo?
“Pa’no, lagi kang wala rito. Minsan na nga lang ako uuwi, wala ka pa.”
“Eh di inamin mo ring may babae ka.”
Wala nang kawawaan ang susunod. Mapapalitan na ang singhalan ng umaatikabong putangina, bwukanangina, at kung anu-ano pa ng ina sa pagitan ng kalabog ng dagok, suntok, tadyak at iba’t-iba pang tunog na kasing-sakit mapakinggan gaya ng maramdaman.
Binilisang pumasok ni Romy sa kuwarto. Pinahid ng tuwalya ang mukha na mas basa dahil sa tumatagaktak na pawis. Wala na siyang mahalungkat na malinis-linis na polo at maong na nakasalansan sa sahig. Matagal na nang huli siyang maglaba. Pakonti nang pakonti ang pumapatak na tubig sa gripo, kung meron man. Naramdaman din niya ang pangangapal ng talampakan nang isuot niya ang topsiders na pinipigilan ng masking tape ang pagngiti ng suwelas.
Labag man sa kalooban, napilitan din siyang lumapit sa tatay niya paglabas. Sayang din ang allowance. Kailangan ng pandagdag sa naipon niya nitong nakaraang linggo. Hindi siya umaasa pero baka magkaroon na siya ng loob yayain ng date si Lina. Gaya ng inaasahan, mas marami pang bulyaw kaysa barya ang napala sa tatay niya.
At kung hindi ba naman siya talaga minamalas, sandali lang sila nagkita ni Lina sa campus. Nagmamadali daw. May praktis daw sila. Daw. Makailang araw na ring kinukutoban si Romy sa relasyon nila. Unti-unting nagiging mailap si Lina. Bago tuluyang umalis, hiniling ni Lina na huwag silang mag-holding hands sa harap ng mga kaklase.
“Pero magboyfriend pa rin tayo?”
“Bahala ka.” sagot ni Lina.
Nagkasya na lang si Romy sa kaisipang “Bahala na” ang sinabi ni Lina. Naisip din niyang mabuti na rin at hindi siya mapalapit nang husto dahil may pigsa nga niya. Inisip lang ni Romy na hindi naman mahalaga ‘yon. “Ang mahalaga,” kinumbinse niya ang sarili, “malinaw sa akin na mahal ko si siya. Tapos.”
Isa ito sa mga pinag-iisipan ni Romy bago malubak ang bus. At para maiwasan din ang pag-ukilkil ng sakit na dulot ng pigsa, pinag-isipan din niya kung bakit pinapayagan pa ring bumiyahe sa EDSA ang mga bus na kakarag-karag tulad nito. Marami pa ring pulang bus na yari sa lawanit ang kaha at bintana. Bukod sa sobrang bagal, kinukulambuan din nito ng itim na usok ang daan. Hindi niya ininda ang trapik. Kung sabagay, kailangan niya ang matagal na pagkakataong ito ng pag-iisa. Walang dahilan para magmadali. Hindi niya talaga gustong umuwi pero saan pa ba siya pupunta?
Huminto ang bus sa Cubao Ibabaw para punuin pa ang siksikan nang bus. Maraming bumaba pero mas marami ang sumakay. Napilitan siyang umusog at naipit pa muli ang pigsa nang may tumabing mag-ina sa kanya. Himbing na nakayakap sa dibdib ang sanggol sa kabila ng matinding alinsangan sa loob. Pinangibabawan silang lahat ng samu’t saring amoy. Walang nagkikibuan. Kahit natuluan na si Romy ng laway ng sanggol. Kahit damang-dama niya ang naglulusak na t-shirt ng ale sa bandang kilikili. Kahit nararamdaman niyang basa at may kakaibang ginhawa sa likod ng kanang hita niya.
Ibinaba ni Romy ang lawanit na harang sa bintana ng bus. Sumilip sa labas para makasagap ng sariwang hangin at para na rin matakasan ang kalunos-lunos na kalagayan nilang mga pasahero sa loob. Hindi niya halos mahinuha ang billboard ng pelikula ng anak ng Pangulo dahil sa usok at umaagaw na dilim. Katabi nito ang isa pang pelikula ng anak ang Pangulo na Coming Soon naman. Nakita niya ang agos ng sanlaksang taong tumatawid sa lahat ng direksyon sa EDSA at Aurora Boulevard. Nalilibang na si Romy nang biglang nahilamusan ng malagkit na plema mula sa pasaherong nakaupo sa harap. Gusto niyang magalit pero nakita niyang isang patpating matanda ang dumura. Napigilan rin siya dahil kung sakaling tumayo siya, siguradong maagawan naman ng upuan.
Nagpahid na lang si Romy sa mukha at pinilit matulog. Agad naman siyang nagupo ng kadiliman. Parang may kumalabit sa switch ng ilaw at naging payapa ang lahat. Nanibago pa rin siya sa pagkapalagay sa kadiliman. Maliban sa pakiramdam ng basa sa hita niya, nagtagumpay si Romy sa pagtakas sa mapanupil na bus. Pinakinggan niyang mabuti ang buong paligid. Ang papugak-pugak na arangkada ng bus. Ang paniningil ng kundoktor. Ang walang patid na pag-ubo ng matanda. Ilang sandali pa, nakasanayan niya ang mga tunog ng kapaligiran at mula sa ingay at walang kawawaan, unti-unting nabuo ang isang ritmo. Naging musika. Naging oyayi. Bumagay sa kadiliman.
Mayamaya, nabuo sa kadiliman ang mukha ni Lina. Nagdidribol. Kumambyo. Sumaksak sa gitna. Nag-lay-up pero sumupalpal ang tatay niya. Naagaw nito ang bola at ibinato sa kabilang court. Naroon ang nanay niya, nakaambang sasaluhin ang bola. Nakataas ang dalawang kamay pero sa tiyan niya sumalpok ang bola. Pumasok doon. Napayuko ito. Sapo-sapo ang tiyan. May dalang kagampan. Tumingala ito at sumigaw. Sigaw ng sanggol. Nabingi siya. Naalimpungatan.
Nagising si Romy sa lakas ng iyak ng katabing sanggol. Inuga naman ng nanay na natataranta na sa walang katapusang pag-iyak. Humihikbi na rin ang nanay. Nainis siya dahil naistorbo ang pag-idlip niya. Pero lalo siyang nainis nang makitang lahat ng ibang pasahero, sa malayo nakatingin. Nakapagtataka na sa tumpak na pagkakasalampak nila sa kahoy na bus, parang wala man lang nakakarinig sa palahaw ng sanggol.
“Baka gutom?” mungkahi niya sa babae. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin at gagawin sa mga ganitong pagkakataon.
“Obvious ba? Gusto mo lang yatang makita ang suso ko pag pinadede ko ‘tong anak ko. Kayo talagang mga lalaki, lalo na kayong mga kabataan, sobrang libog ninyo. Hoy, kung hinihintay mong ilabas ko ang suso ko dito, manigas ka.”
Nanigas si Romy sa hiya. Tumingin ang lahat sa kanya. Halos mabali-bali pa ang leeg ng mga malayo para makita kung sino ‘tong lumabag sa batas ng mabuting pasahero – ang pananatiling walang kibo. Hindi alam ni Romy kung ano ang gagawin at sasabihin. Binaling na lang niya ulit ang tingin sa labas at natuwa nang makitang nasa Crossing Ibabaw na sila. Panandaliang tumahan ang sanggol, pero tumuloy ulit ng pag-iyak. Hiyang-hiya siya nang bumaba dahil pinagtitinginan siya ng mga tao. Hirap siyang matukoy kung dahil sa pagbubunganga ng babaeng katabi niya o dahil sa mapa ng dugo sa likod ng hita niya.
Malayo pa ang nilakad ni Romy bago matunton ang bahay. Dali-dali siyang pumasok. Nakakayamot na ang lagkit sa pantalon niya at naaamoy na rin niya ang lansa. Sa pagmamadali, hindi na napansin ni Romy na gabi na’t wala pang nagbubukas ng ilaw. Narinig niyang may naggigisa, naamoy ang sardinas, bawang, sibuyas, kamatis at siling labuyo sa kusina at ipinagpalagay niyang nanay niya iyon. Naisip niyang wala na naman ang tatay niya. Madalas itong sumasalubong sa kanya ng kung anu-anong mura pag nauunahan siyang dumating.
Pagdating sa banyo, sinabon agad ni Romy ang pumutok na pigsa. Nakita niyang maliit lang ang butas at nagtaka na dito dumaan ang parang delubyo ng dugong sinipsip ng maong niya. May maliit na umbok pa rin. Napailing si Romy dahil alam niyang hindi pa hinog ang pigsa. Nagmumura pa lang ang mata at sa mga susunod na araw, tiyak siyang mas masakit at mas madugo ang pagputok nito.
Hinimas-himas niya ang sugat. Masinsing nagsabon. Sa simula, mahapdi pero nang tumagal-tagal, nakakakiliti na. Pagkatapos, kinuha niya ang maruming pantalon at mariing pinahiran ng sabon. Kinusot niya ito nang maigi. Halos magpaltos ang mga kamay niya sa kakaibang pangigigil, pambabayo sa sahig. Eto para kay Lina. Eto para sa Nanay. Eto para sa Tatay. Eto para sa… Natigilan siya nang humahapdi na ang mga palad.
Pagkabanlaw, sinigurado niyang wala nang mantsa ng dugo. Otomatiko rin siyang tumabo ng tubig at nagbuhos. Nakalimutan niyang nakapolo pa rin siya. Kahit pa, tumabo pa rin siya nang tumabo nang walang kapararakan. Nang paubos na ang tubig, binuhat niya ang timba. Ibinuhos niya hanggang sa huling patak ang tubig na parang ang pagligong ito ang lilinis sa lahat ng mga pinagdaanan niyang kasukalan nitong mga nakaraang araw.
Nakaramdam siya nang kagyat na kaginhawaan kasabay ng pag-ihip ng malamig na simoy sa loob ng banyo. Pero nanlalagkit pa rin siya at ubos na ang tubig sa banyo. Mayamaya pa, dumagundong muli ang pinto. Hindi na siya kinabahan sa maingay na pagkalampag. Lalabas naman agad siya pag sumigaw ang tatay niya. Namrublema lang si Romy na ni hindi siya nakapagdala ng bihisan o tuwalya man lang bago pumasok sa banyo.