Ikalimang Araw : Taglagas*

Disyembre 11th, 2010 § Mga Puna

Naaalala mo pa ba Selya nang iniwan n’yo ako sa ilalim ng akasya noong magdarapit-hapon na at ako ang taya sa larong takipsilim. Hinanap ko kayong lahat noon. Kahit pa sinabing may kapre daw sa punong ‘yon. Sabi pa nga ng Inay, mas madalas magpakita ang kapre dahil nangalaglag na ang mga dahon. Hinanap ko kayo hanggang matagpuan ako ni Tiyo Andres. Hindi ko mapigilang umiyak. Hindi ko matanggap na dinaya n’yo ‘ko.

Kinabukasan, tinukso n’yo pa ‘ko. Uhugin. Duwag at kung ano-ano pang mga salitang walang kawawaan sa akin.

* * *

Katatapos lang naming makipagsagupa sa mga Kastila. Nangalahati kami. Inubos naman namin sila. Siniguro naming patay lahat at sinigaan ang mga bangkay. Ayaw mang tanggapin ng damdamin, naglaway ako nang makaamoy ng natutustang tao.

* * *

Nagutom kami. Kinatay namin ang alagang kambing ni Tata Miong. Hindi namin kinain ang ulo dahil doon nakakabit ang sungay. Hindi kumain ang dalawang bihag. Hindi na para sa kanila ang pagkain.

* * *

Saan ka nga ba talaga nagpunta noong gabi ng Agosto? Sabi ng Itay mo, nagtanan ka raw. Sumama sa isang prayle, nagtungong Camarines. Hindi ako naniniwala. Naalala ko lang bago ka nawala, ang pagkalunod ng mga mata mo sa maputik na luha. Kagagaling n’yo lang ni Salome noon sa sapa para maglaba. Ayaw mong masalita noon. Hindi ko na tinanong kung bakit bali ang palo-palong bitbit mo. Hindi na lang ako umimik dahil alam kong alam mo na.

* * *

Nilalapa kami ng lamok dito. Sinlaki ng paruparo ang mga lamok dito sa Bundok Buntis. Ewan ko ba kung bakit sa lugar na ito, napakadaling dumapo ng pahinga?

* * *

Pasensya ka na at kung saan-saan napupunta  ang sinusulat ko. Nagpapahinga nga kami pero hindi ito ang hinahanap ng katawan namin. Iniisip ko na lang na hinihintay mo ako sa Camarines. Malapit na naman raw matapos ang himagsikan at gagawin ko ang papel ko mula pa noong bata tayo. Pero, saan kita hahagilapin? Mababasa mo kaya ang sulat kong ito?

* * *

Kaninang umaga, pinatawan namin ng parusang kamatayan ang dalawang bihag. Hindi ko sila kilala. Basta mga taga-Tundo raw. Taksil daw sa himagsikan.

Nang barilin ko na ang huli, tumitig siya sa akin. Naunawaan ko ang lungkot niya. Natiyak ko ring hindi na tayo magkikita.

———-

* Ang “Ikalimang Araw : Taglagas” ay isang section sa maikling kuwentong pinamagatang “Ang Banal na Ebanghelyo Ayon Kay Cabo dela Paz.”

Tagged: , , ,

§ 2 Responses to Ikalimang Araw : Taglagas*

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

What’s this?

You are currently reading Ikalimang Araw : Taglagas* at Malilikot na Hugis.

meta

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.