Kulto Pinish (excerpt)

Kakanluranin ang kasabihang patungkol sa mga kuneho at malilibog. Kaya nga maling tawaging Kulto Kuneho. Konserbatibo manamit ang mga miyembro ng sekta. Lahat sila nakaputi. Mahabang baro para sa mga babae at kamiseta’t pantalon sa mga lalaki. Sila-sila lang ang nagtatahi ng mga damit. Yong mga luma, tinahi pa sa kamay noong wala pang nag-aabuloy na antigong Singer na makina. Nanlilimos sila ng sako ng harina sa mga panaderia para gawing damit. Mababakas pa nga ang tatak ng Wellington Flour Mills doon sa hindi tuluyang tinablan ng chlorox.

Gayunpaman, may bahid ng katotohanan yong paghahambing sa kuneho. Sa kabila ng kahirapan nila, wala naman silang ginagagawa para matugunan ang panganganay. Sina Lito at Nona, labing-isa ang anak. Sina Totong at Loida, labing-anim. Pero may dalawang namatay sa panganganak at tatlong beses naagasan si Loida. Sina Estong at Maribel, labing-tatlo. Gayundin sina Miguel at Salome, kung hindi isasama ang dalawang ipinaubaya sa bahay-ampunan dahil parehong bingot.

Makakabuo na ng isang barangay ang bilang ng mga miyembro ng KK pero patuloy pa silang dumarami. Binata’t dalaga na ang mga nakatatandang anak ng apat na mag-aasawa — apat na haligi ng KK. Hindi magtatagal, magpapares-pares na rin ang mga ito, ayon sa bersyon nila ng bibliya.

Gaya ng ibang kulto, gabay rin nila ang sarili nilang nirepasong edisyon ng bibliya. May mga librong idinagdag at pinaghalo-halo ang bago at lumang tipan. Kapansin-pansin na wala ang Levitico at Deuteronomio. Nakasulat ito sa pinaghalong Tagalog at Waray – Taray para sa mga miyembro. Meron ring mga kabanata na sa halip na titik ang nakasulat, mga numero. Parang mga pormula at talaan ng kung anuman. Kapag nangingilin sila sa gabi, binabasa nila ang mga numero na mistulang walang katapusan. Parang binibigkas ang lahat ng numero ng pi.

Nabulgar lang ang tunay na kahulugan ng KK nang dumalaw ang isang film crew para gawan ng documentary ang lumalaki nilang samahan. Magkapatid pala ang bawat mag-asawa. Kulto Kapatid pala o ayon sa mas gusto nilang tawag – Kulto Kaputol. Walang gustong magtanong dati dahil parang batid na ng lahat. Takot rin silang malaman ang katotohanan, na makumpirma ang kakaibang relasyon. Bukod pa sa mag-asawa, magpinsang buo naman sina Totong at Maribel.

Nang dugtungan pa ang tanong tungkol sa mga magulang nila, para mabigyang-linaw ang pinagmulan ng KK, sadyang hindi magkakatugma ang mga sagot nila. Sabi ni Loida, naglalako raw ng puto’t kutsinta ang tatay niya sa Catbalogan, Samar noong dekada 60 at nasumpungan ang isang bibliya (ang pinagbasehan ng bibliya nila). Nang mabasa niya ang libro, dali-dali niyang iniwan ang tinda at lumangoy siya patungong Maynila na gamit ang singkaw na kawayan bilang pampalutang. Ayon naman kay Miguel, naglalako ng taho ang tatay niya sa Santa, Ilocos Sur, nang tambangan ng tatlong lasing. Matapos raw bugbugin ang tatay niya, pinilit raw itong manabako habang nagpapakalasing sa tuba. Lihim niyang iniluluwa ang bawat pagtagay sa kanya kaya nang makatulog na ang mga lasing, nagmadali siyang tumakas na tangay-tangay ang natirang tabako na mga nirolyong tuyong dahon ng tabako. Sa pagmamadali niya, nadapa siya sa pilapil. Tumilapon naman ang mga tabako at nabulatlat at sumiwalat ang tekstong nakasulat doon na parang pinadaan sa imprenta. Dito nagmula ang mga kakaibang libro sa bibliya nila gaya ng Ebanghelyo ni Lam-Ang, Ang Aklat ng Danom, Kabsat-Kulto at iba pa. Ang huli raw ang naging basehan ng pangalan ng sekta.

May kuwento rin ang iba pang Haligi pero hindi na patungkol sa pinagmulan ng bibliya nila. Ang nanay daw ni Nona, komadrona sa Ospital ng Meycauyan, Bulacan. Wala nang idinagdag si Nona dahil wala rin siyang impormasyon pa dahil inampon lang siya ng nakilala niyang nanay. Pahayag naman ni Lito na lahat ng mga magulang nila, magkababata sa Bambang, Maynila. Hindi naisama sa documentary ang bahagi ng panayam ng dalawa dahil walang naitulong ang mga ito para mapalawig pa ang alamat ng KK.

Sa isang panayam naman, sinabi ni Salome na nabuo ang mga pundasyon ng sekta sa isang pagpupulong ng mga magulang nila sa isang liblib na batis sa Siniloan, Rizal. Doon raw nila pinagsama-sama ang mga aklat na magiging bibliya. Dahil kasalukuyang nag-aaral ng Engineering ang tatay niya, naisama rin ang isang kabanata tungkol sa differential transmission.

Dahil kalat-kalat ang mga detalye, hindi makapagpasya ang director ng docu kung paano ang gagawing edit. May laman ang mga detalye at talaga naman interesante, pero parang lumolobo lang nang lumulobo ang kuwento.

Para mas maging kapanapanabik ang docu, maraming hiwagang nakunan ang sadyang isinalpak sa pagitan ng mga panayam. Nariyan yong simpleng paglutang sa lupa habang nagdarasal ng mga Haligi. Ipinakita rin ang paglalagay ng kandila sa ilalim ng palad at iba pang bahagi ng katawan gaya ng buhok, kilay, kilikili, alak-alakan ng ilang miyembro nang hindi napapaso. May mga nakaw na footage rin ng pagtatalik ng mga Haligi na kung papanooring mabuti at pagbabasehan ang kalidad ng video ay hindi talaga nakaw kundi todo ang produksyon. Kapansin-pansin na minsan, titingin sa camera si Loida at parang may sinasabi sa pagbukas-sara ng bibig. Sa isang bahagi naman, kumikindat-kindat si Totong sa camera na parang may ritmo ang pagtaas-baba.

Sa isang bahagi pa ng documentary, nahati sa dalawa si Lito. Habang nagsasalita sa harap ng camera, makikitang may aalis sa likod niya, maglalakad papunta sa likod na inuulan ng dahon ng mangga. Habang patuloy na nagsasalita si Lito, makikita ang isa pang Lito sa likod niya na nagwawalis ng dahon para igatong sa siga.

Siyempre, sabi ng mga nakapanood, camera trick lang. Madali na lang gawin yan sa computer. Pero ang totoo, walang budget ang pelikula para duktorin kung ano man eksenang gusto nila. Hindi rin naman naglabas ng pahayag ang director at producer para pabulaanan ang mga akusasyon laban sa kanila. Dagdag PR rin yong para magkaroon ng interes ang publiko.

Nang makita nila sa editing room ang dalawang Lito sa footage, sinubukan nilang balikan ang kulto sa Binangonan. Wala nang naabutan ang director kundi mga kubong walang laman. Naroon pa ang lahat ng mga gamit. Maaayos pa rin ang bawat kagamitan. Parang nagbakasyon lang silang lahat at babalik rin anumang sandali.

May mga nakapanayam ang film crew na pumunta raw ang buong KK sa gubat sa gabi noong nakaraang Domingo de Ramos. Hanggang ngayong malapit na ang Araw ng mga Kaluluwa, hindi pa rin sila bumabalik. Dumami raw ang gamu-gamu matapos maglaho ng KK. Dumami rin daw ang bunga ng mangga. May mga araw na mas marami pang dilaw na mangga kaysa luntiang dahon sa puno.

Anuman ang totoong nangyari, pinabayaan na lang ng mga taong hindi kasali sa kulto. Ayaw na rin nilang pagnilaynilayan pa ang katotohanang kung hindi sila tumatanggap ng bagong miyembro, sila-sila na lang ang magiging mag-asawa. Hindi nila matatanggap yon. Ni hindi sasagi sa isip nila. Hindi nila papayagan. Nakakadiri. Para daw mga hayop. Parang mga kuneho. At dahil nga, naglaho silang parang anino sa dilim, walang makapagsabi kung saan nagmumula ang kapangyarihan nila. Kung totoong may kapangyarihan sila.

 

(Itutuloy)

Ang Baho Naman Dito

Ayala Ave.

Nahirapan nga kami kahapon. Noong una kasi, parang nakabuhol lang sa batok ni Ninoy yong tarpaulin. Parang kriminal sa mga lumang pelikula. May panyo sa ilong sa halip na maskara. Hindi pala nakatali. Naka-epoxy. Kinailangan ko pang bumaba ulit ng estatwa ni Ninoy, kunin yong pait para matungkab lahat ng nakadikit. Bwisit talaga. Lalo pa akong naburat nang makita kong hindi lang basta-basta tapalodo ang nakadikit. Nang iangat ko nang konti, bumulaga naman sa ‘kin ang kilikili ni Kris Aquino. Lalo pa itong pinaputi ng kung anong skin-whitening lotion na ibinebenta niya. Nakakasilaw, grabe. Ngayon, natatawa na lang ako. Biruin mo, habang nakakabit iyon, sinisinghot ni Ninoy yong kilikili…haha. Sa pagpigil ko sa paghagalpak noong nakatungtong ako sa mga bisig ni Ninoy naalala ko naman yong biruan namin tungkol sa estatwang ito. Paano ba naman, dahil nakatayo ito sa kanto ng Paseo de Roxas at Ayala Avenue, nawala yong konteksto. Sa halip na maging alaala ng paghatid ng mga escort sa kamatayan niya sa tarmac, mukha tuloy pininigilan lang si Ninoy ng dalawang kasama niya. BAWAL TUMAWID DITO. Baka mamultahan kayo ng MMDA o ng MAPSa o ni Mayor. Sa halip kabayanihan, katarantaduhan.

Natanggal rin nga namin. Pati yong nakatakip sa ilong ni Gabriela Silang sa Pasong Tamo. Pati yong kabayo niya, may piring din sa ilong. Si Heneral Pio del Pilar rin. Naging tulisan sa halip na katipunero.

Unang nagsulputan ang pagtatatakip sa ilong nitong nakaraang Semana Santa. Inakala ng marami na may gumagaya sa mga nagpipiring sa mga estatwa. May pahaging sa simbolo ng katarungan – si Lady Justice na nakapiring, dahil “bulag” raw dapat ito. Walang kinikilingan…maliban sa bigat ng yaman o katayuan sa lipunan. Marami nang gumawa nito. Kahit sa mga pelikula. At dahil nga sobrang palasak na nito, hindi na epektibong pagpoprotesta. Dahil rin nga sa gawing ilong na nakatakip ang panyo o tela o kung anumang materyal pa, mukha namang nahulog lang. Palpak lang ang pagkakatali. Walang paninindigan. Basta mailagay lang. Unti-unting kumalat ang balita na ganoon rin ang mga estatwa sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan. Si Rizal at Lapulapu sa Luneta. Kahit yong mga kalabaw at si San Lorenzo Ruiz na malapit sa Quirino Grandstand. Si Bonifacio sa City Hall at Monumento. Pati mga santo, hindi sinanto. Yong Nazareno sa Quiapo. Our Lady of Peace at lahat ng mga tao sa EDSA People Power Monument. May nagsabi na pati si General MacArthur sa Leyte meron rin pero dinapuan lang pala ng ibon na kung tutuusin ay hindi rin kapanipaniwala dahil bihira lang naman makakita ng ibon o anumang hayop sa mga siyudad sa buong bansa. Hindi ko na maalala kung kelan ako huling nakarinig ng huni ng ibon. O kung kelan ako huling nakakita ng bubuli, kahit butiki sa kisame. Teka, mabalik tayo. Mula noon, naging malinaw na ang pagprotesta, kung matatawag mang protesta ito, ay nakatutok sa ilong at hindi mata – sa pang-amoy at hindi pananaw. Wala namang grupo o indibidwal ang umako sa pagtakip ng ilong ng mga estatwa. Maugong ang bulung-bulongan na may kinalaman ito sa U d Toilet pero hanggang walang lumalantad at nagpapahayag na may kaugnayan ang mga ito, hindi ako maniniwala.

Mga Naglahong Kaharian*

*sipi mula sa “Ang Dakilang Nobelang Filipino.”

Sinubukang baguhin ni Eddie ang timbre ng boses niya.

“Pare, baka naman may chibog kayo,” papiyok na sabi ni Eddie.

Kanina pa kumukulo ang tiyan ni Eddie. Lalo pang umasim ang sikmura niya nang umalingasaw ang amoy ng nilalagang balot.

“Huwag ka nang magmaang-maangan. Basyo ka na, Edralin,” sabi ni Panadero.

“Ano ba’ng basyo ang sinasabi mo?” sabi ni Eddie. Nalimutan niya nang baguhin ang boses niya. “Sige na, bossing. Kahit penoy lang. Hindi rin naman talaga ako mahilig sa balot. Kahit hindi mo na tanggalin ‘tong posas.”

“Alam mo ang problema mo?” sigaw ni Panadero.

Nagulat si Eddie. Di niya inakalang magtataas ng boses si Panadero. Gayunpaman, ginantihan niya siya ni Eddie ng pagkurap-kurap na parang nagpapacute.

“A, e. Ang problema ko? Nagugutom ako. Gutom lang siguro ito. Ikaw, di ka ba nagugutom?” binilisan ni Eddie ang pagsalita para itagong natatakot siya. Hindi niya na rin magaya ang pagbago ng boses niya kanina.

Napalamukos ng mukha si Panadero na sa sobrang tagal, inakala ni Eddie na mabubura mismo ni Panadero ang sariling mukha.

“Hindi. Ang. Problemang. Iyan. Ang. Sinasabi. Ko,” sigaw ni Panadero. Huminga siya nang malalim. Nagsalita nang mabilis na parang hinihika. Di rin mapirme ang mga daliri at kamay ni Panadero. Parang may minamasang tinapay sa dilim.

Nang matunugang hindi rin siya makakakain, at dahil pagod na rin, pinabayaan na lang ni Eddie si Panadero na pumalakpak na parang nagtatawag ng isang waiter. Sa isang iglap, nagkaroon ng onscreen projector sa harap nila. Hinawi ni Panadero ang takip ng lens at nagkaroon ng Powerpoint presentation slide. Pumalakpak pa si Panadero para mamatay na ang house lights. Nagsipag-alpasan sa ere ang puting alikabok mula sa kamay niya. Nagpalutang-lutang ito sa paligid ng bilugang ilaw mula sa projector. Nagsimulang magsalita si Panadero at isinandal ni Eddie ang likod niya sa sandalan ng upuan.

“Kung hanggang ngayon, naniniwala ka pa ring nagsimula lang ang kasaysayan natin sa pagdating ng mga Kastila, isa kang hangal. Bago pa tayo mabinyagan ng mga Kristiyanismo, may kultura na ang mga ninuno natin. May sariling sistema ng pamahalaan. May sining, agham. Panitikan. May sariling wika at paraan ng pagsusulat. May relihiyon. Masasabing noong 1918, iminungkahi ni George Coedes, isang historyador, na kabilang sa Srivijaya Empire ang ilang bahagi ng kapuluang tatawagin natin sa kasalukuyan na Pilipinas ca. 1200. Pamilyar? Doon kasi nanggaling ang pangalan ng kapuluang tinatawag natin ngayong Visayas. Galing sa Sanskrit ng sri (maningning) at vijaya (tagumpay), ang Srivijaya ang isa sa pinakamakapangyarihang kaharian mula noong taong 200 hanggang 1300. Nasa isla ng Sumatra ang sentro ng kaharian at isa sa mga batikang destinasyon sa pag-aaral ng Buddhismo ang Srivijaya. Nagsimulang humina ang Srivijaya empire nang umusbong naman ang Majapahit Empire. Sa isla ng Java naman ang sentro nito at Hindu ang saligang relihiyon. Sinasabing isa ito sa mga huling matatag na kahariang Hindu sa kapuluan ng Malay. Ang totoo, hanggang ngayon walang makapagsabi na totoong nagkaroon ng Srivijaya o ng Majapahit empire. Kakaiba kasi ang kalikasan ng dalawang kaharian na base na rin sa lokasyon nito. Thalassocracy ang pamahalaan o isang kahariang namumuno ayon sa sakop nilang bahagi ng dagat. Dahil mas mahalaga para sa mga thalassocracy ang dagat, hindi gaanong lumaganap sa mga isla ang kaharian. Kung meron mang ebidensya ng pagkakatatag o pagkakaroon mismo ng mga nasabing kaharian, sigurado nananahan na ito sa ilalim ng dagat. Nagkaroon lang ng susog na pagkilala sa larangan ng kasaysayan ng Timog Silangang Asya ang Srivijaya nang matukoy ni Pierre-Yves Manguin noong bandang 1992 ang hangganan ng kaharian. Mahalagang isipin na maraming detalye sa kasalukuyang kultura natin ang tumutugma sa mungkahing ito. Galing sa Sanskrit ang ilang sa mga salita sa mga katutubong wika sa Pilipinas. Di maikakaila ang pagkakaroon ng impluwensya ng Buddhism at Hinduism ang ilan sa mga kaugalian natin. Siyempre pa, di lalong maikakaila ang pagiging kamukha ng mga katutubong Pilipino ang mga katutubong Malay at Indones. Kahit ang mga ninuno nating nagpasimuno sa mga rebolusyon laban sa Kastila, ni hindi nagkulang, ni nagtatwa sa atin bilang lahing Malay. Siyempre, isa pang ebidensya ang sinaunang alpabeto o baybayin…”

Sadyang binitin ni Panadero ang talumpati para humarap kay Eddie. Para na rin bigyang-diin ang huling salita na siyang mag-uugnay kay Eddie sa lahat ng nasabi na niya. Tumingin muna si Panadero sa tato ni Eddie sa likod ng kamay para doon din tumingin si Eddie. Siyempre, sinadya rin ni Panadero ito para ipahiwatig kay Eddie na alam niya na ang lalim ng pagkasangkot ni Eddie sa mga kaganapan ngayon sa Maynila. Ayos na sana ang lahat kung hindi lang humihilik si Eddie.

Pasensya na at di kita naabisuhan. Dapat nababalaan kitang medyo magiging mahaba ang nagdaang kabanata. Kung tutuusin, hindi naman mahaba, mas kasaysayan lang kaysa panitikan. Siyempre, dinampot mo ang librong ito para magbasa ng kuwento at hindi para mag-aral ng kasaysayan.
Nagpapaumanhin rin ako at dahil nga isang kuwentista ang nagsulat nito at malamang hindi nabigyan ng sapat na disiplina ang pagsusulat ng munting kasaysayan ng mga Kahariang Srivijaya at Majapahit. May ilang punto lang na mainam pagmuni-munian sa pagbasa ng bahaging ito. Nabanggit ni Panadero na mahirap patunayan na nagkaroon nga ng mga nasabing kaharian. Ano pa kaya ang pagtukoy sa boundary nito sa kapuluan ng Malay. Ito ang dahilan kung bakit hindi itinuturing na opisyal na bahagi ito ng kasaysayan ng Pilipinas. Kailangan pa ng karagdagang pagsasaliksik. Ngayong may mga bagong kaalaman na tayo, kung umabot ka pa rito at hindi nakatulog gaya ni Eddie sa kuwento, may ilang mga tala akong gustong ibato sa yo para pag-isipan:
  1. Angkop pa ba sa kasalukayan ang pagtingin sa kasaysayan bilang isang kalipunan ng mga kaalamang may kongkretong patunay (kasulatan, artifacts, kultura)?
  2. Naniniwala ka bang pagsusumikap ng tauhang si Panadero ang pagbabalangkas ng bagong kasaysayan sa pamamagitan ng paglampas sa panahon ng pagsakop ng mga Kastila, paglampas sa kasaysayang isinusubo sa atin ng Kanluraning Kultura gaya ng Europa at US.
  3. Kung gayon, bakit ang pagniningas muli ng usapin sa pinagmulan ng Pilipinas na iminumungkahi ni Panadero ay isang suhestiyon din ng mga historyador na Pranses?
  4. Isang uri ba ng torture ang ginawa ni Panadero sa pagbibigay ng isang lecture tungkol sa kasaysayan sa isang taong gutom at pagod.
  5. Paano mo ituturo sa isang lipunang pagod at gutom ang kasaysayan?
 Hindi mo naman kailangan sagutin ang mga ito. Baka lang makatulong sa pag-unawa sa sakop ng kaisipan at uniberso ng libro. Baka wala lang din. Kung tumigil ka man sa pagbabasa dito, at least, alam mong may mga bagong pananaw sa pinagmulan ng lahing Pilipino.
Ayokong masira pa ang naratibo ng susunod na kabanata. Ang masasabi ko lang, magigising si Eddie.

April 2

Aabot pa ba ako? Sa pagsapit ng takipsilim,

Mas naaamoy ko ang mabigat na simoy kaysa

Matanaw ang paglamlam ng hapong hapon. Naroon pa rin

Ang tsinelas sa pinto. Walang kaparis tulad noong bintana

Sa harap ng eskinita – walang saysay na lagyan pa ng kurtina.

Aabot pa ba ako? Sa huling patak ng sigla na uunti-untiin kong

Sipsipin gaya ng pagnguya sa hibla-hiblang labi ng tubo. May tamis pa rin,

O anumang wangis ng lasa. Lugaw na naman ang tinda ni Aling Nida.

Sinuwerte akong naparami ang goto, twalya at betamax pero sa pagmamadali,

Nalimutan kong budburan ng paminta, pati na ng kasubha. Maingay na naman

Mamaya. Ilang pitsa na naman ang ibobola. Ilang pista na naman ang mababaon

Sa alaala. Bukas na siya ililibing. Aabot pa ba ako kahit butas ang tsinelas ko?

May mapapala ba ako sa pag-alala? Gagantimpalaan ba ako ng lakas sumulong

Gayong patuloy akong lumilingon, lumilinga-linga. Daig pa ang pusang

Gala o kambing na nakatali sa tabi ng mga lalaking nagpapakulo ng tubig

Sa malawak na malawak na kawa. Kinikiskis nila sa bato ang marupok na kutsilyo.

Sumisipol-sipol sa pagitan ng paglagok ng gin at pagbilang ng baryang nakaipit

Sa tenga, sa garter ng shorts, kung saan-saan pa, maliban sa bulsa. 

Agosto

Humahagikgik ang malilibog na kulay ng buwan sa kalendaryo dahil nakabilad na naman ang kasingit-singitang balat na mabuti pang gawing sapatos ng mga anak ng mga anak nang anak kahit na punung-puno na ng basura ang libis-mundong kinalalagyan ko.

Madalas kong maisip na mabuti pang lumundag, magpagulong-gulong sa bangin ng plastik, lata, bangkay ng nasagasaang aso at ginahasang batang naagnas.

Hahagurin ko pa rin ang buhok, kahit binudburan ng alikabok. Kailangang kong magpapogi sa pagdaan nila. Kahit pa nanlilimahid o sumasangsang ang mga gabing inuusig ng mga iyak ng bata, bangayan ng magkakakapit-barong-barong, o pagmamakaawa ng mga kriminal/biktima sa nguso ng .45/armalayt ng pulis/kriminal/biktima?

Alanganin ang buwang ito na malapit nang malaglag. Nakakailang dahil hindi ko matantya kung uulan ba ng araw o sisikat ang ulan. O kaya’y maging bukambibig ng mga walang tv o radyo o walang asawa.

Daraan sila. Daraan-daanan kami.

Papalipasin tulad ng gutom. Tulad ng hindi nakauunawa at ayaw makiramay. Patuloy nilang hindi makikita dahil nakamaskara kami. Pikit ang mga mata, kuyom ang mga palad.

Daraan lang sila na walang muwang sa kawalang-kasiguruhan ng mundo. Makikiraan pa siguro. Daraan ang Agosto gaya ng Hunyo at pipilitin nating patuloy na mabuhay gaya ng tao.

 

*unang nalathala sa ANI, Tomo 26,© 2000, Zosimo Quibilan, Jr. All rights reserved.

Gurame/Palaka

Gurame. Nagpapaltos na ang kamay ko. Ilang salok na lang, puputok na. Ilang sandali na lang, malalaman ko na kung gaano kahapdi ang pagsiksik ng malabnaw na putik sa pumutok na paltos. Kailangang kong higpitan pa ang kapit sa lata ng pineapple juice. Marami pang gurameng mahuhuli sa lusak.

Kailangang tibayan ang tindig. Malakas mambalya si Joaquin. Nagtatatalon sa supot na gawa sa lambat ang mga huli niya. Putikan pero puwede namang linisin yon mamaya. Mababanlawan naman ang lasa ng lupa at ng kung anong itinambak sa hukay na yon. Iisipin mo pa ba ang mga bagay na yan kapag gutom na gutom ka at kaaahon lang sa kaldero ng pinaksiw na gurame. Dagdagan mo lang ng suka. Sahogan ng ilang daliring luya. Puwedeng dagdagan na rin ng konting toyo. Sino pa ba ang makakapagsabing putik talaga yong nagpakulay sa ulam at hindi toyo. Malilimutan mo na yon pag-umaso na ang paksiw. Pagsumamyo na ang di kaputiang sinaing.

Kailangan maging mas masigasig pa sa pagsaid ng putik. Parang hindi napapagod si Joaquin. Bumibilis pa ang pagsalok. Lumilitaw na ang tsinelas niyang patid ang strap. Unti-unti nawawalan na ako ng pag-asang may masasalok pang isda. At wala akong ibang puwedeng masisi kung hindi ako at ako lamang.

 

Palaka. Nitong nakaraang linggo lang, nagpiyesta kami sa palaka. Hindi namin kailangang mag-agawan ni Joaquin. Ginawa pa nga niya ako ng pamingwit. Kahit pa isang patpat na may pisi lang yon, ayos na rin. Kung hindi niya ako binigyan ng pamingwit, di ko rin naman malalaman na wala pala itong kawit. Sa dulo ng pisi, itatali ang pain. Bubuyog, piraso ng suso, kahit hilaw na apulid. Ipinakita niya muna sa akin kung paano. Palalawit-lawit lang sa ere yong pain at pag may sumakmal na palaka, hila agad. At dahil walang kawit, kailangan handa kang saluhin ang palaka. Kailangan mong higpitan ang kapit dahil bukod sa madulas ang balat ng mga ito, malalaki rin ang palakang bukid. Inabot kami ng gabi noon. Nag-uumapaw ang mga plastic bag na dala namin pag-uwi. Pag-uwi ko lang natuklasan na wala na pala kaming toyo at bawang. Hinabilin pa naman ni Joaquin na mas mainam na i-adobo ang palaka para masigurong lutong-luto ito. Para maluto kung anumang lason meron ito. At dahil gumagabi na at baha pa rin, imposibleng makakabili ako ng mga sangkap na kailangan ko. Hinanap ko ang kapatid ko para magpunta sa tindahan pero wala pa siya sa bahay. Nilibot ko lahat ng sulok sa bahay at walang ibang tao. Nagsisimula nang bumuhos ang ulan nang balikan ko ang plastic ng palaka. Unti-unting lumakas ang pagkokak nila parang sinasabayan ang paglagapak ng ulan sa bubong. Nang lapitan ko ang plastic, nalaman kong butas na pala ito at nagsisilundagan sa kusina ang mga palaka na kusina. Sinubukan ko pang hulihin ang mga ito pero hindi ako umubra. Masigasig silang nagdiwang dahil umuulan na naman at nangangahulugang magdamag na naman silang magkakantahan pag wala na muling ulap sa langit para takpan ang buwan.

 

 

Sumuko Ka Na, Diego (Part 2)

Basahin ang Part 1

 

Huminto si Poli sa tindahan ni Merlie para bumili ng gulaman. Pinauna niya si Nel sa pagtawid pero tumigil din sa kanto. May nakatigil na jeep doon. Hinaharangan ng isang Mitsubishi Galant na makanto at kinakalawang.

“Putang ‘na ka! Ano ba’ng pinagyayabang mo?” sigaw ng isang matandang lalaki sa drayber ng dyip.

“E pinapadaan ko na naman ho kayo.” sagot ng drayber. Nakayuko siya bukod sa hukot talaga. Hindi tumitingin sa dulo ng baril ng matanda.

“Pak yu ka! Couples ako!” dagdag pa ng matanda, bago ikasa ang baril.

Sa puntong ito, nagkaripasan na ng takbo ang mga pasahero. Huling bumaba ang isang babaeng traffic enforcer. Papunta siya sa duty niya ngayong araw sa puwesto niya sa Crossing Ibabaw.

“Tatang, konting lamig.” sabi nito. Nakakasilaw ang dilaw na uniporme niya. Inayos nito ang pagkakapuyod ng buhok bago isuot ang cap. “Pinapadaan na naman talaga kayo nitong drayber e.”

“E di nakita mo ring ginitgit ako sa may San Nicolas?” tanong ng matanda.

Unti-unti nang dumami ang mga miron. Natigil ang bilyaran sa kabilang kalye. Bitbit pa nina Celso at Sonny ang mga tako nila. Si Ektor naman, yakap-yakap ang latang pinaglalagyan ng pusta. Nagkamali naman ng pagtusok sa kamote cue si Ara. Natilamsikan ang iba pang nagmemeryenda ng karyoka, banana cue at maruya.

Nakita ni Nel na may dinudukot sa bulsa ang drayber ng dyip. Patuloy pa rin itong nakayuko. Pero dumidiretso na ang tindig.

“Kung gusto nyo ho,” simula muli ng traffic enforcer, “dumiretso na lang tayo sa munisipyo. Doon na lang kayo magreklamo.”

“Aaksayahin n’yo pa lalo ang panahon ko.” sagot ng matanda. “Late na late na ako sa prayer meeting ko.”

“Kayo ho.” sabi ng traffic enforcer. “Kung tutuusin, hindi naman kayo nagkasabitan…”

“Talagang kinakampihan pa yang…”

Hindi na maalala ni Nel ang mga sumunod pang pangyayari. Malinaw lang sa kanya na nagpaputok ang matanda sa ere. Bagay na ikinatakot ng mga tao. Nagsitakbuhan lahat kung saan-saan. Hindi niya lang masiguro kung naunang magtangkang sumaksak ang drayber ng jeep kaya pumutok ang baril o ang kabaligtaran. Higit sa lahat hindi niya rin matiyak kung ano ang sinasabi ni Poli nang nagtatatakbo siya patawid.

Paulit-ulit na tumakbo ang eksena sa isipan ni Nel. Nagtatatakbo si Poli. Humampas pa ang plastic na gulamang sinisipsip nito sa braso ni Nel. Nagkakandarapa namang umiwas sa baril ang mga tao. Halos magkasabay ang pangalawang putok ng baril at ang mahaba at nakatutulilig na pagdulas ng gulong ng isa pang jeep sa kalye. Nagtaka pa si Nel na sobrang lakas naman ng balang tumama kay Poli. Ilang metro ang nilagpakan ng kaibigan niya mula sa kanto. Nagliparan ang mga teks ni Poli. Hindi makapaniwala si Nel na totoong lahat ang nangyari. Nasiguro lang niyang hindi siya nananaginip nang mabitawan ang takatak box at sumabog sa aspalto ang mga yosi, kendi at konting barya. Doon lang siya natauhan na muntik na pala siyang sumegunda ng t’ob o t’ya sa pagbagsak ng lupaypay na katawan ni Poli sa aspalto.

 

 

“Hindi ka naman kakain?” tanong ng tatay ni Nel na napailing na lang.

Pinanood niyang lumabas si Nel. Gusto niyang tanungin kung saan siya pupunta pero nagpigil. Nakakabigla naman talaga ang pagkakabundol kay Poli.

Sapo-sapo ni Nel ang tiyan. Nakayuko at halos mabuwal sa hirap na paglakad. Nang masiguro niyang hindi na siya tanaw ng tatay niya, idineretso niya ang pagkakatindig. Nilakihan ang mga hakbang papunta sa halamanan.

Mabilis nakahanap ng basag na paso si Nel. Pinili niya ang isang pirasong eksakto sa palad niya. Yong matulis ang isang gilid. Inilapag niya muna ang piraso ng paso. Inangat ang t-shirt. Iniatras ang tiyan para mas madaling mahila ang plastik na puno ng teks na nakaipit sa garter ng shorts niya. Naghukay na siya agad matapos iusog ang paso ng gumamela at palmera.

Nabali at lumiit pa lalo ang basag na pasong gamit niya sa paghukay. Naulinigan niyang nag-uusog na ng pinagkainan sa loob ng bahay. Nataranta siya sa dami ng teks na itatago niya at binilisan ang ginagawa.

Nagkasundo kanina lang ang mga kalaro niyang gawing laos na ang teks. Lumalakas na ang hanging habagat at may mangilan-ilan na ring nagpapalipad ng saranggola sa kalye. Sina Bernie at Joseph, tyinaga pang punit-punitin ang teks nila bago isaboy sa ere.

“Mabuhay ang bagong kasal!” sigaw nila. “Yiheee!”

Hindi maintindihan ni Nel kung bakit ‘yon ang isinisigaw nila. Lalo pa niyang hindi maintindihan na kung bakit pa ngayong dangkal-dangkal na ang teks niya, saka pa sinabing laos na ito. Gusto pa niyang subukan kung uubra ang pagkulay nila ni Poli sa mga pamato. Tamang-tama sana kasi siya lang ang nakakuha ng nagliparang teks ni Poli nang mabundol nakaraang linggo. Itinago niya na lang kung ano mang emosyong hindi niya maipaliwanag kanina – galit, panghihinayang, tuwa, kapanatagan.

Isa-isa niyang initsa sa butas na hinukay niya ang mga teks. Tinitigan niya muna ang drowing sa bawat isa. Tinandaan ang mga kulay at eksena ng iba’t ibang pelikulang hindi niya napanood sa sinehan. Umasang makita ang teks na hindi niya nabasa. Nang mangalahati, nadampot niya ang pamato ni Poli. Itinabi niya ito at hinanap ang sariling pamato. Pero una niyang nakita ang isang teks na pula ang kabuuan. Hindi niya na masiguro kung tungkol saan ang pelikula sa teks.

Nang damputin niya ang mga teks, pinaalalahanan niya ang sariling hugasan lahat para puwede pang gamitin. Hindi na niya nagawa. Ilang araw rin siyang hindi tinantanan ng mga pulis, ng mga magulang ni Poli, ng tatay niya at iba pang kalaro tungkol sa pagkakabundol sa kaibigan. Wala nang ibang lumapit bilang saksi sa sakuna. Mahirap naman daw madamay pa. At kung tutuusin, madalas namang may nasasagasaan sa kanto. Sanay na sila at hindi na natatandaan ang mga pangalan ng mga nakaraang biktima.

Nakita rin ni Nel sa wakas ang pamato niya, yong kalahati lang ang nasulatan ng asul na tinta. Sinipa niya ang natitirang teks na hukay at umakmang titira at pinagpatong-patong ang tatlong teks. Pamato ni Poli sa ilalim. Sa gitna ang pamato niya. Sa ibabaw ang pulang-pulang  teks. Sa wakas malalaman niya kung ubra ang sinabi ni Poli. Hindi niya na maalala kung paanong pitik ang suwerte? Kung galing ba sa binti o galing sa likod? Nabitawan na ni Nel ang mga teks, umiikot na sa ere nang makita ang tatay niya. Umiiling-iling ito sa pagkakatitig sa kanya habang hinahataw-hataw ang manipis na tsinelas sa kaliwang palad.